Wednesday, June 26, 2019

Ang Matalinong Pasya Modyul

King Solomon was said to be one of the wisest kings of Israel. He was favored by God because of his humility. People from far off places came to him to seek his advice. Here is a short story based on that.




        Nang si Solomon ay maging hari ng Israel, hiniling niya sa Diyos na siya ay tulungang maging isang mabuting hari. Dahil dito ay nalugod sa kanya ang Diyos at siya ay pinagpala nito. Biniyayaan siya ng Diyos ng katalinuhan.

        Dahil sa kanyang angking katalinuhan, si Solomon ay dinadayo ng mga tao mula pa sa malalayong lugar upang pagtanungan ng solusyon sa kanilang mga problema. Sila naman ay binibigyan ni Solomon ng matatalinong kasagutan.

        Isang araw, may dalawang inang nagpunta sa palasyo ni Haring Solomon. Ang isa ay galit na galit at nagsisisigaw samantalang ang isa’y walang tigil sa pag-iyak.

        “Mahal na hari, kagabi’y sabay kaming nagsilang ng sanggol. Ang kanyang anak ay pumanaw habang siya ay mahimbing na natutulog. Ngayon, inaangkin niya ang aking sanggol,” ang sabi ng galit na babae.
       
Ibinaling ng hari ang kanyang tingin sa babaeng umiiyak. “Ikaw, magsalita ka.”
       
        “Ito po ay aking anak, nagsasabi po ako ng katotohanan. Dama kong buhay ang aking anak,” ang sabi ng umiiyak na babae.

        Matagal na tiningnan ng hari ang dalawang ina. Hindi naglaon ay ipinatawag ng hari ang isa sa kanyang mga kawal.

        “Hatiin mo sa dalawang pantay na parte ang sanggol na ito nang sa gayon ay kapwa magkaroon ng bahagi nito ang bawat inang umaangkin sa kanya,” ang utos ng matalinong hari.

        Walang tinag sa pagkakatayo ang galit na ina samantalang ang isa’y lalong lumakas ang pag-iyak. Tumakbo itong palapit sa hari, lumuhod, at nagmakaawa.

        “Ibigay niyo na lang po sa kanya ang sanggol. Huwag niyo po siyang patayin!”ang palahaw ng tumatangis na ina.
        Marahan siyang itinayo ng hari. “Ako ay nakapagpasya na. Ang sanggol ay nararapat na ibigay sa iyo dahil walang inang maghahangad ng kamatayan para sa kanyang anak,” ang wika ng hari habang iniaabot ang sanggol sa babaeng umiiyak.

        Lalong hinangaan ng kanyang mga nasasakupan ang hari sa kanyang naging matalinong pasya.





The module contains the usual vocabulary-building exercises, comprehension questions, and writing drills. Download it here.

Tuesday, June 25, 2019

Filipino Quiz #16


Alam mo ba kung ano ang mga salitang may kambal katinig? Tandaan, kailangang magkasama ang dalawang katinig sa iisang pantig.




Monday, June 17, 2019

Filipino - Bayaning Pilipino Modyul

Doctor Jose Rizal is hailed as the country's national hero. He was instrumental in our fight for independence back when the Philippines was a colony of Spain. This text provides information about Rizal and why he was beloved by many.



        “Mga bata, ngayong araw na ito ay babasahin natin ang talambuhay ni Jose Rizal. Mayroon ba kayong tanong o nais ibahagi bago tayo magsimulang magbasa?” ang tanong ni Binibining Diaz.
        “Miss, totoo po bang may monumento si Dr. Jose Rizal sa China?” ang tanong ni Czarina.
        “Bakit naman sila magtatayo ng monumento ni Rizal sa China eh Pilipino naman si Rizal?” ang malakas na bulong ni Gilda na kanyang katabi.
        “Oo, mayroon nga siyang monumento sa China. Ito ay katulad na katulad ng monumento niya na nasa Rizal Park. Naniniwala kasi ang mga Intsik na ang mga ninuno ng ating pambansang bayani ay nag-ugat sa kanilang bansa,” ang paliwanag ni Bb. Diaz.
        “May dugong Intsik si Dr Jose Rizal?” ang hindi makapaniwalang bulalas ni Gilda. Nagsimula na ring magbulungan ang mga mag-aaral sa klase. Hindi sila makapaniwala na ang itinuturing na pinakadakilang taong isinilang sa lahing Malayo ay may dugong Intsik.
        “Ang lahing kayumanggi ay isinilang na kalakip ang iba’t-ibang dugong dayuhan. Kung maaalala niyo sa ating leksiyon noong nakaraan, sabi ni Dr. Otley Beyer, may 10% ang dugong Intsik na nananalaytay sa ugat ng ating mga ninuno. Subalit sa puso at isipan, si Dr. Jose Rizal ay Pilipinong tunay,” ang pahayag ng guro.
        “Wagas ang pagmamahal niya sa mga kababayan at lalo na sa Inang Bayan,” ang dagdag pa nito.
        “Interesado na po akong malaman kung ano ang nangyari sa buhay ni Jose Rizal,” ani Czarina. Sabay sabay na binuksan ng mga mag-aaral ang kanilang libro at binasa ang talambuhay ng pambansang bayani ng Pilipinas.

          Si Dr. Jose Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna noong ika-19 ng Hunyo, 1861. Siya ang ikapitong anak nina Francisco Rizal Mercado at Teodora Alonso.
          Sa gulang na taltong taon, natutuhan ni Jose ang abakada mula sa kanyang ina. Sa ikasiyam na taong gulang, siya ay ipinadala sa Biñan upang doo’y mag-aral sa ilalim ng pamamahala ni G. Justiniano Aquino Cruz. Noong 1872, si Jose ay ipinasok sa Ateneo Municipal de Manila kung saan siya ay nagpamalas ng kahanga-hangang talas ng isip. Nang matapos sa hayskul, sa Pamantasan ng Santo Tomas siya nagpatuloy ng pag-aaral ng medisina. Gusto niyang maging doctor upang gamutin ang nanlalabong mga mata ng kanyang ina.
          Nang lumaon, hiniling ni Jose sa kanyang pamilya na pahintulutan siyang makapagpatuloy ng pag-aaral sa España. Doon niya natapos ang kursong medisina.
          Nagsanay pa ng panggagamot ang katatapos na si Dr. Jose Rizal sa Pransya, Alemanya, at Austria bago siya nagbalik sa Pilipinas. Ang naging una niyang pasyente ay ang kanyang minamahal na ina. Bukod sa kanyang ina, maraming maysakit na kababayan niya sa Calamba ang kanyang napagaling.
          Naging isang tanyag na manggagamot si Dr. Jose Rizal. Ginamot niya nang walang bayad ang mahihirap na mga tao. Dahil sa kanyang pagmamalasakit sa may sakit, siya ay napamahal sa mga tao lalo na sa mahihirap.
          Isa si Dr. Jose Rizal sa mga Pilipinong gumawa ng pagkilos sa mapayapang paraan kung saan ang pakay niya ay ang pagbabago sa pamamalakad ng mga Kastila. Labis niyang ikinalungkot ang pagmamalabis at pang-aapi ng mga dayuhan sa mga kabababayan. Subalit dahil sa kanyang mga isinulat, nagalit sa kanya ang mga Kastila. Pinagbintangan siyang namumuno sa mga paghihimagsik. Siya’y nilitis at nahatulan ng parusang kamatayan.
          Habang nasa piitan, isinulat ni Jose Rizal ang Mi Ultimo Adios na isang tulang nagsasaad ng tapat na pagmamahal sa bayan at sa mga kababayan. Hanggang sa mga huling araw ng kanyang buhay, ang Pilipinas ay mga kapwa Pilipino ang laman ng kanyang puso at isipan.
          Noong ika-30 ng Disyembre, 1896, binaril si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan.


        “Ang lungkot naman po pala ng nangyari kay Rizal,” ang wika ni Gilda.
        “Malungkot ngunit ang kanyang pagkamatay naman ay nagsilbing mitsa upang maghimagsik ang mga Pilipino laban sa  mapang-aping mga Kastila noon,” ang sagot naman ni Bb. Diaz.
          “Talaga pong isang modelong Pilipino si Dr. Jose Rizal. Matapang na, Makabayan pa,” ang dagdag naman ni Czarina.
 
***

You can download the module here. It contains vocabulary-building exercises, comprehension questions, filling up necessary information, and writing drills.

Wednesday, June 12, 2019

Filipino - Salitang Maylapi

          Ang mga salitang hindi na maaaring hatiin o paikliin pa ay tinatawag na salitang-ugat. Ilan sa mga halimbawa nito ay:

isip          tawa          sulat

          Ang mga salitang naihihiwalay ang salitang-ugat sa iba pang titik o pantig ay tinatawag na salitang maylapi. Ang mga halimbawa nito ay:

isipin          natawa          sulatin


          Panlapi ang tawag sa mga naiiwang titik o pantig kapag inihiwalay ang salitang-ugat.


Ang mga panlapi ay maaaring:

* Unlapi - inilalagay sa unahan ng salitang-ugat
          Hal.          maliksi          pagtulog          umikot

* Gitlapi - inilalagay sa gitna ng salitang-ugat
          Hal.          tumunog          kinain          sumigaw

* Hulapi - inilalagay sa hulihan ng salitang-ugat
          Hal.          sakitin          basahin          turuan


Narito ang ilang sanayang papel para sa araling ito:




Sunday, June 9, 2019

Bakit Kulu-kulubot ang Ampalaya Modyul

This is the legend of why the bitter gourd's skin is wrinkled. This is a story of how one bad decision can have really bad consequences.

This module contains the story, vocabulary exercises, comprehension questions, and writing prompts.




        Noong unang panahon, ang mga gulay ay walang kulay. Pare-pareho ang kanilang itsura. Hanggang sa isang engkantada ang nakapansin nito. Naisipan niyang mas mainam siguro kung iba-iba ang kanilang anyo.
        “Gusto ba ninyong magkaroon ng kulay?” ang tanong ng mabait na engkantada.
        “Opo, gusto po namin,” ang sagot naman ng mga gulay.
        “Kung ganoon ay sumama kayo sa aking tirahan. Doon, ang bawat isa sa inyo ay mapagkakalooban ko ng kulay,” ang sabi ng engkantada.
        Sama-samang naglakbay ang mga gulay at ang engkantada. Habang naglalakad ay inobserbahan ng engkantada ang kaniyang mga kasama upang mapili ang pinaka-angkop na kulay para sa kanila. Nang makarating sila sa isang mala-harding tahanan, nagwika ang engkantada, “Ito na ang inyong bagong tirahan. Lahat kayo ay bibigyan ko na ng kulay.”
        Sabik na sabik ang mga gulay habang sila ay nagmamasid sa hardin na kanila nang tirahan. Lumapit ang engkantada kay kamatis. “Halika, Kamatis. Ang kulay na ibibigay ko sa  iyo ay pula. Iyan ang bagay sa iyo dahil ikaw ay masayahin at punong-puno ng bitamina,” ang pahayag ng engkantada. Matapos ang ilang kumpas ng kanyang baston, unti-unting nagbago ang kulay ni Kamatis.
        “Naku! Kay ganda ng kulay kong pula,” ang tuwang-tuwang sambit ni Kamatis habang minamasdan ang kanyang bagong kulay.
        “Oh, ikaw naman, Karot. Dahil marami kang bitamina na panlaban sa mga sakit, ang kulay na kahel ang ibibigay ko sa iyo,” ang paliwanag naman ng engkantada.
        “Aba! Ang ganda ko na!” ang hindi makapaniwalang wika ni Karot. Umikot-ikot ito upang ipakita ang kanyang kulay sa kanyang mga kaibigan.
        “Ikaw naman, talong. Napansin kong tumitingin ka kanina sa mga bulaklak na kulay ube. Mula ngayon, iyan na ang kulay mo,” sambit ng engkantada habang ikinukumpas ang kanyang makinang na baston.
        “Yehey! Ang ganda ng kulay ko. Makinis pa ang kutis ko,” ang masayang usal nito habang sumasayaw-sayaw.
        Isa-isang biniyayaan ng mabait na engkantada ang mga gulay ng kulay.
        “Eh, ako po, mahal na engkandata? Ano pong kulay ang ibibigay ninyo sa akin?” ang tanong ni Ampalaya na hindi na makapag hintay.
        “Ah, ikaw? Sa tingin ko, berde ang kulay na babagay sa iyo,” ang sagot ng engkantada.
        Hindi kumibo ang ampalaya. Ang totoo ay ayaw niya ang kulay na berde ngunit dahil sa takot na magalit ang engkantada ay tinanggap na rin niya ang iniaalok nitong kulay.
        “Kaygaganda ng mga kulay na napunta sa iba. Bakit pangit na kulay ang napunta sa akin?” ang bulong nito sa sarili.
        “Hayan! Lahat kayo ay may kulay na. Napakagaganda ninyong tingnan. Sige, magpahinga na muna kayo dahil malapit na dumilim. Maaari kayong magpunta sa alinmang bahagi ng hardin na inyong maibigan.
        Habang naghahanap ng lugar na mapagpapahingahan ang mga gulay, may nabuo namang plano sa isipan ni Ampalaya. “Habang natutulog ang mga gulay, nanakawin ko ang kanilang mga kulay. Ako na lang ang matitirang may kulay,” nakangising wika ni Ampalaya sa kanyang sarili. At ganun nga ang kaniyang ginawa.
        Kinabukasan, nagulat ang mga gulay nang makita nila na nagbalik ang kanilang dating anyo. “Anong nangyari sa magandang kulay ko?” ang nalilitong tanong ni Kamatis.
        “Huhuhu! Bakit nagkaganito ulit ang balat ko?” ang umiiyak naman na wika ni Talong.
        “Lumapit kayong lahat,” ang tawag ng engkantada nang marinig niya kung anong nangyari.
        Napansin ng lahat na wala si Ampalaya. Hinanap nila ito at nakita nilang nagtatago ito sa ilalim ng sampayan. Napansin ng engkantada na nakabalot ito ng kumot. Nang inalis ang kumot, natuklasan nila na nasa katawan ni Ampalaya ang lahat ng kulay ng mga gulay.
        “Aha! Ikaw pala ang nagnakaw ng kanilang kulay,” galit na sigaw ng engkantada, “Bakit? Hindi ba mayroon ka namang sariling kulay?”
        “Kasi mas maganda ang kulay nila. Hindi ko nagustuhan ang kulay ko,” ang sagot naman ni Ampalaya.
        Mainggitin ka, Ampalaya. Babawiin ko ang mga kulay na ninakaw mo. Bilang parusa, magiging kulubot ang balat mo,” ang galit na wika ng engkantada.
        Naibalik naman kaagad ng engkantada ang mga ninakaw na kulay. Si Ampalaya naman ay nagsisi sa ginawa niyang pagnanakaw. Sa huli ay ibinigay pa rin sa kanya ng engkantada ang kulay na berde ngunit ang kaniyang balat ay sadyang naking kulubot. Ito ay araw-araw na nagpapaalala sa kanya sa kaniyang nagawang pagkakamali.

****

Download the module here to answer the vocabulary, comprehension questions., and other exercises.

Pagtukoy sa Katangian ng Tauhan - Here is a graphic organizer that you can use to practice characterization.

Monday, April 8, 2019

Magbugtungan Tayo!

My son joined a Challenge from Pinoy Kids Read Pinoy Books. He chose Bugtong as his first entry.

In line with that, I made a short flip card thing (I don't really know what it is called hehe) for the riddles that we copied and made ourselves.


Monday, April 1, 2019

Bakit Mataas ang Langit - Modyul

According to folk tales, a long time ago, heaven used to be so close to Earth that you could reach it with a stick. What happened? Why is it so high now?

This module contains the story, vocabulary exercises, comprehension questions, and writing prompts.


        Noong unang panahon, mababa lang ang langit. Puwede itong maabot kahit gamit lamang ang isang patpat. Ginawa itong mababa ni Bathala para madali niyang marinig ang kahilingan ng mga tao. Madali rin niyang naibibigay ang kailangan nila. Dahil sa mababa ang langit, lahat ng hilingin ng mga tao ay naibibigay agad sa kanila. Hindi na nila kailangang kumilos at maghanapbuhay.
        “Bathala, nagugutom na po kami,” ang sabi ng isang lalaki. Agad siyang binigyan ng pagkain ni Bathala para sa kanyang pamilya.
“Bathala, kailangan po namin ng bagong kasuotan,” ang hiling naman ng isang babae. Dali-dali naman siyang biniyayaan ni Bathala ng mga damit.
Isang tawag lang kay Bathala ay agad na naibibigay ang hiling ng mga tao. Kung minsan, nauuna pang maibigay ang biyaya bago pa sila dumaing. Talagang labis ang pagiging mapagbigay ni Bathala.
Ngunit sa kabila ng kasaganahang tinatamasa nila, hindi nakukuntento ang mga tao. Nagsimula silang humiling ng mga bagay na hindi naman nila talagang kailangan upang mabuhay. Natuto rin silang magtago ng mga biyayang ibinigay sa kanila ni Bathala. Hindi nagtagal ay natuto na rin ang ibang magnakaw. Naging makasarili at maramot ang ilan sa kanila.
“Bathala, dagdagan mo pa ang mga alahas ko,” ang paangil na hiling ng isang babae.
“Bathala, kailangan ko ng bakod. Palagi na lamang pumapasok ang aking kapitbahay para humingi ng pagkain,” ang reklamo naman ng isang lalaki.
Nagalit si Bathala sa mga tao. “Dahil naging makasarili kayo, hindi ko na ibibigay ang mga pangangailangan ninyo.”
Mula noon ay hindi na nagbibigay ng kahit na anong bagay si Bathala. Kahit na anong hiling at pagmamakaawa ng mga tao ay hindi na sila pinakikinggan ni Bathala. Napilitan silang maghanap ng kanilang makakain. Natuto silang magtanim at mangaso. Ang ilang kababaihan ay nag-aral ng paghahabi upang sila ay may maisuot. Ang kalalakihan naman ay natutong magtayo ng mga bahay gamit ang mga kahoy na kanilang pinuputol.
Kapag sila ay nakagagawa ng isang bagong bagay, nagdidiwang ang mga tao. Isang araw, natutong gumawa ng sibat ang mga tao. Nagkaroon sila ng masayang pagdiriwang. Nagsayaw ang mga kalalakihan hawak ang kanilang bagong gawang sibat. Sa kalagitnaan ng kanilang pagdiriwang, napalundag nang mataas ang isang mananayaw at di nito sinasadya na masugatan si Bathala ng kanyang sibat.
Sa sobrang galit ni Bathala ay itinaas niya ang langit. Hindi na ito maabot ng mga tao kahit na umakyat pa sila sa pinakamataas na bundok.

Modified from this: https://philippineculturaleducation.com.ph/bakit-mataas-ang-langit/



 Download the module here to answer the vocabulary, comprehension questions., and other exercises.