Sunday, March 31, 2019

Ang Mahiwagang Singsing - Modyul

This is a story of how a boy was rewarded for persevering to finish a task that was assigned to him.

This module contains all the usual components: vocabulary-building items, reading comprehension questions, short writing tasks, and a drawing section. It also contains short exercises on sequencing events (pagsusunod-sunod ng mga pangyayari) and cause and effect (pagtukoy ng sanhi at bunga) based on the story.




        Sina Martin, Buboy, at Vince ay magkakaibigan. Sila ay nakatira sa isang maliit na baryo na malapit sa kagubatan. Minsan, nagkayayaan ang magkakaibigan na pumasok sa gubat. Balak nilang manghuli ng palaka na ibebenta nila sa palengke. Sa kahahabol sa mga palaka, hindi namalayan ng tatlong bata na sila ay napadpad na sa lugar na hindi pamilyar sa kanilang tatlo. Sinikap nilang hanapin ang daan pauwi ngunit lalo lamang silang naligaw. Matapos ang ilang oras ay nagsimula na silang mapagod at magutom.
        Sa kalalakad ng tatlo, di nila inaasahang makakita ng isang maliit na bahay. Tumakbo papunta sa kakaibang bahay ang mga bata.
        “Tao po,” ang malakas na sigaw ni Martin. Kumatok naman ng malakas si Buboy. Sumilip naman sa bintana si Vince.
        Isang matandang babae ang nagbukas ng pinto. “Ano’ng kailangan ninyo?” ang pagalit na tanong nito sa tatlo.
        “Nawawala po kasi kami,” ang paliwanag ni Martin.
        “Gutom na gutom na po kami,” ang dagdag ni Buboy.
        “At pagod na pagod na,” ang sambit naman ni Vince.
        “Hindi ko kayo kilala. Bakit ko kayo tutulungan?” ang tanong ng matanda habang tinatangkang isara ang pinto.
        “Maawa na po kayo, lola. Kahit kaunting pagkain lang po,” ang pagsusumamo ni Buboy.
        Ngunit sa halip na bigyan sila ng matanda ng pagkain, inabutan nito ang tatlong bata ng tig-isang kahon na puno ng maruruming singsing. Pagkatapos ay inabutan din nito ang bawat bata ng tigatatlong kahon na magkakaiba ang laki.
        “Linisin niyo muna ang mga laman ng kahon na iyon,” ang utos ng matanda. “Pagkatapos ay ibalik niyo ang mga singsing sa tamang lalagyan ayon sa laki nito,” ang dagdag pa nito.
        “Linisin ang mga kinakalawang na singsing? Ang hirap naman!” ang sagot ni Martin. Galit itong tumalikod at naglakad papalayo.
        Umupo naman ang dalawang natirang bata at nagsimulang linisin ang mga singsing. Makalipas ang ilang minuto, sumuko na rin si Buboy. Tumayo ito at galit na naglakad papalayo.
        Si Vince ay nagpursiging linisin lahat ng marumi at kalawanging singsing. Matiyaga rin niyang isinalansan ang mga nalinis na singsing. Ang maliliit ay inilagay niya sa maliit na kahon. Ang malalaking singsing naman ay inilagay niya sa malaking kahon.
        Ikinuskos ni Vince ang isang maruming singsing sa kanyang hawak na basahan. Nabigla siya nang may sumulpot na isang engkantada sa kanyang harapan.
        “Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?” ang tanong ng engkantada kay Vince.
        Nangangatog itong sumagot ng, “Ka...ka...kaunting pagkain po sana.” Kahit na natatakot ay pinangunahan pa rin ng gutom ang kawawang bata.
        Biglang may sumulpot na malaking trey sa harapan ni Vince. Punung-puno ito ng masasarap na pagkain. Kahit na nanginginig pa rin, nagsimula nang kumain ang bata. Habang siya ay ngumunguya, lumapit ang engkantada at inabutan siya ng isang maliit na bagay.
        “Itago mo ang singsing na iyan, bata. Sa tuwing may kailangan ka ay kuskusin mo lamang iyan at ako ay darating,” ang wika ng engkantada.
        “Ngunit hindi po akin ang singsing na ito. Sa matandang babae po ito,” ang sagot ni Vince habang pinipilit na ibalik sa engkantada ang hawak.
        Ngumiti lamang ang engkantada at dahan-dahang nagbago ang anyo nito. Siya pala ang matandang babae.
        “Isa kang matiyagang bata. Matagal na akong naghahanap ng matiyagang batang maaaring tumulong sa akin sa pagbabantay dito sa aking kagubatan. Kung ipapangako mong tutulungan mo ako, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kahilingan mo,” ang paliwanag ng matanda.
        “Opo, tuutulungan ko po kayo,” ang pangako ni Vince. “Pero, puwede niyo po ba akong tulungang makauwi? Mag-aalala po kasi ang aking nanay,” ang dagdag ng bata.
        Tumango naman ang matanda. Matapos ang ilang minutong paglalakad, nakita na ulit ni Vince ang daan pauwi sa kanilang bahay. Mula noon ay araw-araw na itong bumabalik sa kagubatan upang tulungan ang mahiwagang matanda.


***

Download the module here. to answer the vocabulary, comprehension questions., and other exercises.

Monday, March 25, 2019

Takot sa Pera - Modyul

Some people are scared of money. Not of using it or earning it but of saving it. They usually spend their money on small items that they do not need. Discover how these young brothers overcame their fear of saving money.

TAKOT SA PERA

        Tandang-tanda pa ni Rico ang nangyari sa kanyang nakababatang kapatid noong ito ay magdadalawang-taong gulang pa lamang. Masayang naglalaro si Pancho sa sahig. Nakapalibot ang kanyang mga laruang kotse at pinagkakarera niya ang mga ito. Ang bata ay may namataang bagay na kumikinang sa ilalim ng kanila sopa. Dali-dali niya itong dinampot. Tiningnan niya ito sandali at biglang isinubo. Nagpatuloy sa paglalaro ng kanyang mga kotse si Pancho ngunit bigla na lamang niyang nalunok ang makinang na bagay na kanyang isinubo. Sinubukan niya itong iluwa ngunit ito ay bumara sa kanyang lalamunan.
        Nagsimulang mahirapang huminga ang bata at tumakbo ito sa kanyang kuya. Hindi ito makapagsalita kaya hindi maintindihan ni Rico kung ano ang nagyayari dito. “Inay! Si Pancho po!” ang sigaw ng bata na noon ay apat na taong gulang pa lamang. Tumakbo papasok sa sala ang kanilang nanay at agad nitong napansin na nangingitim na ang mga labi ni Pancho. “Diyos ko! Ang anak ko!” ang natatarantang sigaw ng kanilang ina. Itinuturo ni Pancho ang kanyang lalamunan at dali namang binuksan ng kanyang ina ang bibig ng anak upang silipin.
        “May nalunok ata siya!” ang sigaw ng nanay habang pinipilit na itiwarik ang bunso. Tinapik niya nang ubod lakas ang likod ni Pancho. Matapos itong dumuwal ng ilang beses ay nahulog na sa sahig ang bagay na nakabara sa kanyang lalamunan. Nakita ni Rico na ito ay isang barya. Dinampot ito ng kanilang ina at mabilis na itinapon sa basurahan. “Malas ang perang iyan,” ang dagdag pa nito habang hinahagod ang likod ng kanyang bunsong anak. Sindak na sindak ang magkapatid sa nangyari. Tumatak sa kanilang isipan na malas ang pera. Mula noon, sa tuwing makahahawak ng pera ang magkapatid ay agad nila itong ginagastos upang hindi sila malasin. Hindi nagtatagal ang mga barya sa kanilang pitaka. Ipinambibili nila ito ng mga sitsirya, mumurahing laruan, teks, at kung anu-ano pang hindi mahahalagang bagay. Palagi na lamang napupuno ang kanilang mga kabinet ng balot ng mga kendi, lumang magasin, sira-sirang mga laruan, at iba pa.
        Napansin ng kanilang ama ang hindi kanaisnais na ugali ng kanyang mga anak. Hindi lang sila isang beses na pinaalalahanan ng kanilang ama na huwag waldasin ang kanilang pera. “Rico, Pancho, tipirin niyo ang inyong pera. Mahirap iyan kitain. Huwag niyo naman itong sayangin sa mga bagay na hindi ninyo kailangan,” ang paalala ng kanilang ama. Subalit sadyang bingi ang magkapatid sa pakiusap ng kanilang ama.
        Nang ang dalawang bata ay lumaki-laki pa, nagsimula na silang matutong kumita ng sarili nilang pera. Si Rico ay nagbebenta ng mga kendi at inumin sa tapat ng kanilang bahay. Si Pancho naman ay nagbebenta ng dyaryo sa isang istasyon ng dyip malapit sa kanila. Naisip ng kanilang mga magulang na malamang ay matuto nang mag-ipon ang dalawang bata dahil pinaghihirapan na nila ang kanilang pera. Ngunit walang ipinagbago ang dalawa. Agad pa rin nilang nilulustay ang pera pagkahawak nila dito.
        Isang araw, napadaan ang pamilya sa isang tindahan ng bisikleta. May nakadikit na karatula sa bintana ng tindahan. “Wow! Ang ganda nitong bisikleta oh. Kuya, tingnan mo,” ang malakas na tawag ni Pancho sa kanyang kuya.

“At ang mura! Tatlong libo lamang para sa isang bisikleta,” ani Rico. Hinikayat nila ang kanilang nanay at tatay na pumasok sa tindahan upang makita nila nang malapitan ang bisikleta sa karatula. “Mukhang matibay ang mga bisikletang ito. Hindi masasayang ang inyong ibabayad,” ang sabi ng kanilang ama habang binubusisi ang gulong ng mga bisikleta. Tahimik na nag-usap ang magkapatid sa daan pauwi.
        Kinabukasan, may ibinalita ang magkapatid sa kanilang magulang. “Nay, Tay, bibilhin po namin ang nakita nating bisikleta. Tig-isa po kami ni Kuya Rico,” ang masayang pahayag ni Pancho.
        “Saan kayo kukuha ng perang pambili? Diba wala naman kayong naiipon?” ang usisa ng kanilang ina.
        “Nag-usap po kami ni Pancho. Mula ngayon, hindi na namin wawaldasin ang aming kinikita sa pagtitinda. Idedeposito na lang po namin sa bangko hanggang sa kami ay makaipon ng pambili,” ang wika ni Rico. Galak na galak ang kanilang magulang sa balak ng mga anak.
        “Sana naman ay matuto nang humawak ng pera ang ating mga anak. Sana ay hindi na nga nila gamitin ang kanilang pera sa mga walang kapararakang bagay,” ang marahang usal ng kanilang ama.
        Araw-araw ay makikitang masigasig na nagtitinda ng mga pagkain, inumin, at dyaryo ang magkapatid. Dahil tag-init, nagtinda na rin sila ng halu-halo. Tuwing hapon ay nagpupunta ang magkapatid sa malapit na bangko upang ideposito ang kanilang kinita sa araw na iyon. Ilang linggo lamang ang nakalipas ay may ibinalita na ang magkapatid sa kanilang tatay.
        “Tay, nakaipon na po kami ng sapat para makabili ng mga bisikleta namin ni kuya,” ang masayang pahayag ni Pancho.
        “Opo! Labis pa nga sa pambili ng bisikleta ang aming naipon kaya naisip po namin na bumili ng tatlong bisikleta,” ang dagdag pa ng kanyang kuya.
        “Tatlo? Aanhin niyo ang tatlong bisikleta?” ang nadidismayang sagot ng kanilang ama. Naisip nito na magsasayang na naman ng pera ang kanyang mga anak.
        “Ibibigay po namin kay Ramon ang isa pang bisikleta,” ang sagot ni Pancho. Si Ramon ay kanilang pinsan at ito ay nakatira sa katabing bahay ng mag-anak. “Diba po maysakit si Tito Henry? Napipilitan po si Ramon na maglakad papasok ng paaralan dahil wala na po siyang pambayad sa traysikel araw-araw. Ang pera daw po nila ay napupuntang lahat sa gamot ng kanyang tatay,” ang dagdag ni Pancho.
        “Ibibigay po namin sa kanya ang isang bisikleta. Sabay-sabay na lang po kaming magbibisikleta papasok sa darating na pasukan para hindi na po kami kailangang sumakay sa traysikel,” ang paliwanag ni Rico.
        Napaiyak ang kanilang ina sa kabutihang ipinamalas ng kanilang anak. Labis namang natuwa ang kanilang ama. Hindi lamang natutong humawak ng pera ang kanyang mga anak, nakaisip pa sila ng paraan na gamitin ito upang makatulong sa iba. Hindi na sila takot sa pera. Noong hapon na iyon ay sama-sama silang nagpunta sa tindahan upang bilhin na ang tatlong bisikleta.


Download the module here. to answer the vocabulary and comprehension questions.


Monday, March 11, 2019

Tagubilin - Isang Akrostik

Ang akrostic ay karaniwnag isang tula kung saan ang unang letra o titik ng bawat linya ay bumubuo ng salita o mensahe.
Mayroon ding mas kumplikadong uri ng akrostik kung saan ang mga titik ng mensahe ay hindi matatagpuan sa unahan ng bawat linya, kundi sa gitna. Meron ding ibang akrostic kung saan ang mga titik ng mensahe ay nasa unahan ng talata.
Ito ay isang halimbawa ng Akrostik:
Tandaan natin sa tuwina
Ang tagubilin ng ating ama't ina
Galing sa puso't isip nila
Upang magsilbing gabay sa'ting tuwina
Batas at alituntuinin
Isaisip at palaging sundin
Lahat ito'y para rin sa atin
Itanim sa isipan at damdamin
Nang tagumpay ay makamtan natin.

Talakayin natin:
1. Tungkol saan ang binasang akrostik?
2. Bakit mahalaga ang pagsunod sa mga tagubilin?
3. Sinu-sino ang mga taong nagbibigay sa iyo ng mga tagubilin?
4. Ano ang iyong nadarama kapag ang isang tao ay nagbigay ng tagubilin na hindi mo nais sundin? Ano ang magiging resulta ng hindi mo pagsunod?

Palawigin: 
Ang mga tagubilin ay mga paalala at alituntunin na karaniwang ibinibigay ng mga magulang, guro, at iba pang taong may awtoridad. Sa inyong bahay, siguradong may mga tagubilin kayong sinusunod. Pumili ng isa at ipaliwanag ang kahalagahan nito.

Gawin Natin:
Gumawa ng isang poster na nagsasaad ng isang tagubilin tungkol sa pagiging mabuting anak, mag-aaral, at munting mamamayan.

Gawin Natin:
Sumulat ng isang akrostik. Maaaring maglagay ng kahit na anong mensahe dito.