Skip to main content

Takot sa Pera - Modyul

Some people are scared of money. Not of using it or earning it but of saving it. They usually spend their money on small items that they do not need. Discover how these young brothers overcame their fear of saving money.

TAKOT SA PERA

        Tandang-tanda pa ni Rico ang nangyari sa kanyang nakababatang kapatid noong ito ay magdadalawang-taong gulang pa lamang. Masayang naglalaro si Pancho sa sahig. Nakapalibot ang kanyang mga laruang kotse at pinagkakarera niya ang mga ito. Ang bata ay may namataang bagay na kumikinang sa ilalim ng kanila sopa. Dali-dali niya itong dinampot. Tiningnan niya ito sandali at biglang isinubo. Nagpatuloy sa paglalaro ng kanyang mga kotse si Pancho ngunit bigla na lamang niyang nalunok ang makinang na bagay na kanyang isinubo. Sinubukan niya itong iluwa ngunit ito ay bumara sa kanyang lalamunan.
        Nagsimulang mahirapang huminga ang bata at tumakbo ito sa kanyang kuya. Hindi ito makapagsalita kaya hindi maintindihan ni Rico kung ano ang nagyayari dito. “Inay! Si Pancho po!” ang sigaw ng bata na noon ay apat na taong gulang pa lamang. Tumakbo papasok sa sala ang kanilang nanay at agad nitong napansin na nangingitim na ang mga labi ni Pancho. “Diyos ko! Ang anak ko!” ang natatarantang sigaw ng kanilang ina. Itinuturo ni Pancho ang kanyang lalamunan at dali namang binuksan ng kanyang ina ang bibig ng anak upang silipin.
        “May nalunok ata siya!” ang sigaw ng nanay habang pinipilit na itiwarik ang bunso. Tinapik niya nang ubod lakas ang likod ni Pancho. Matapos itong dumuwal ng ilang beses ay nahulog na sa sahig ang bagay na nakabara sa kanyang lalamunan. Nakita ni Rico na ito ay isang barya. Dinampot ito ng kanilang ina at mabilis na itinapon sa basurahan. “Malas ang perang iyan,” ang dagdag pa nito habang hinahagod ang likod ng kanyang bunsong anak. Sindak na sindak ang magkapatid sa nangyari. Tumatak sa kanilang isipan na malas ang pera. Mula noon, sa tuwing makahahawak ng pera ang magkapatid ay agad nila itong ginagastos upang hindi sila malasin. Hindi nagtatagal ang mga barya sa kanilang pitaka. Ipinambibili nila ito ng mga sitsirya, mumurahing laruan, teks, at kung anu-ano pang hindi mahahalagang bagay. Palagi na lamang napupuno ang kanilang mga kabinet ng balot ng mga kendi, lumang magasin, sira-sirang mga laruan, at iba pa.
        Napansin ng kanilang ama ang hindi kanaisnais na ugali ng kanyang mga anak. Hindi lang sila isang beses na pinaalalahanan ng kanilang ama na huwag waldasin ang kanilang pera. “Rico, Pancho, tipirin niyo ang inyong pera. Mahirap iyan kitain. Huwag niyo naman itong sayangin sa mga bagay na hindi ninyo kailangan,” ang paalala ng kanilang ama. Subalit sadyang bingi ang magkapatid sa pakiusap ng kanilang ama.
        Nang ang dalawang bata ay lumaki-laki pa, nagsimula na silang matutong kumita ng sarili nilang pera. Si Rico ay nagbebenta ng mga kendi at inumin sa tapat ng kanilang bahay. Si Pancho naman ay nagbebenta ng dyaryo sa isang istasyon ng dyip malapit sa kanila. Naisip ng kanilang mga magulang na malamang ay matuto nang mag-ipon ang dalawang bata dahil pinaghihirapan na nila ang kanilang pera. Ngunit walang ipinagbago ang dalawa. Agad pa rin nilang nilulustay ang pera pagkahawak nila dito.
        Isang araw, napadaan ang pamilya sa isang tindahan ng bisikleta. May nakadikit na karatula sa bintana ng tindahan. “Wow! Ang ganda nitong bisikleta oh. Kuya, tingnan mo,” ang malakas na tawag ni Pancho sa kanyang kuya.

“At ang mura! Tatlong libo lamang para sa isang bisikleta,” ani Rico. Hinikayat nila ang kanilang nanay at tatay na pumasok sa tindahan upang makita nila nang malapitan ang bisikleta sa karatula. “Mukhang matibay ang mga bisikletang ito. Hindi masasayang ang inyong ibabayad,” ang sabi ng kanilang ama habang binubusisi ang gulong ng mga bisikleta. Tahimik na nag-usap ang magkapatid sa daan pauwi.
        Kinabukasan, may ibinalita ang magkapatid sa kanilang magulang. “Nay, Tay, bibilhin po namin ang nakita nating bisikleta. Tig-isa po kami ni Kuya Rico,” ang masayang pahayag ni Pancho.
        “Saan kayo kukuha ng perang pambili? Diba wala naman kayong naiipon?” ang usisa ng kanilang ina.
        “Nag-usap po kami ni Pancho. Mula ngayon, hindi na namin wawaldasin ang aming kinikita sa pagtitinda. Idedeposito na lang po namin sa bangko hanggang sa kami ay makaipon ng pambili,” ang wika ni Rico. Galak na galak ang kanilang magulang sa balak ng mga anak.
        “Sana naman ay matuto nang humawak ng pera ang ating mga anak. Sana ay hindi na nga nila gamitin ang kanilang pera sa mga walang kapararakang bagay,” ang marahang usal ng kanilang ama.
        Araw-araw ay makikitang masigasig na nagtitinda ng mga pagkain, inumin, at dyaryo ang magkapatid. Dahil tag-init, nagtinda na rin sila ng halu-halo. Tuwing hapon ay nagpupunta ang magkapatid sa malapit na bangko upang ideposito ang kanilang kinita sa araw na iyon. Ilang linggo lamang ang nakalipas ay may ibinalita na ang magkapatid sa kanilang tatay.
        “Tay, nakaipon na po kami ng sapat para makabili ng mga bisikleta namin ni kuya,” ang masayang pahayag ni Pancho.
        “Opo! Labis pa nga sa pambili ng bisikleta ang aming naipon kaya naisip po namin na bumili ng tatlong bisikleta,” ang dagdag pa ng kanyang kuya.
        “Tatlo? Aanhin niyo ang tatlong bisikleta?” ang nadidismayang sagot ng kanilang ama. Naisip nito na magsasayang na naman ng pera ang kanyang mga anak.
        “Ibibigay po namin kay Ramon ang isa pang bisikleta,” ang sagot ni Pancho. Si Ramon ay kanilang pinsan at ito ay nakatira sa katabing bahay ng mag-anak. “Diba po maysakit si Tito Henry? Napipilitan po si Ramon na maglakad papasok ng paaralan dahil wala na po siyang pambayad sa traysikel araw-araw. Ang pera daw po nila ay napupuntang lahat sa gamot ng kanyang tatay,” ang dagdag ni Pancho.
        “Ibibigay po namin sa kanya ang isang bisikleta. Sabay-sabay na lang po kaming magbibisikleta papasok sa darating na pasukan para hindi na po kami kailangang sumakay sa traysikel,” ang paliwanag ni Rico.
        Napaiyak ang kanilang ina sa kabutihang ipinamalas ng kanilang anak. Labis namang natuwa ang kanilang ama. Hindi lamang natutong humawak ng pera ang kanyang mga anak, nakaisip pa sila ng paraan na gamitin ito upang makatulong sa iba. Hindi na sila takot sa pera. Noong hapon na iyon ay sama-sama silang nagpunta sa tindahan upang bilhin na ang tatlong bisikleta.


Download the module here. to answer the vocabulary and comprehension questions.


Comments

Popular posts from this blog

Pang-ukol

Basahin ang maikling pag-uusap ng magkapatid na sina Meryl at Albert. Bigyang pansin ang mga pariralang naka-salungguhit.            Ang Sabi ng PAGASA                      Sina Meryl at Albert ay nakadungaw sa kanilang bintana habang nakikinig sa balita sa radio. Meryl:    Ano raw ang sabi ng tagapagbalita? Albert:   Ayon daw sa PAGASA , Signal Number 2 na ang bagyo  dito sa  Metro Manila. Wala tayong pasok. Meryl:   Pero  ayon kay Nanay , meron daw tayong pasok. Inihahanda na nga  niya ang baon para sa atin . Albert:   Baka hindi niya narinig ang balita sa radyo. Meryl:    Halika, sabihin natin kay Nanay kung ano ang narinig natin sa  balita.           Ang mga pariralang nakasalungguhit ay mga pang-ukol. Ito ay mga pang-ugnay na nagpapakita ng kaugnayan ng pangngala...

Simuno at Panaguri

Simuno at Panaguri – Bahagi ng Pangungusap Ang bawat pangungusap ay binubuo ng dalawang bahagi. Narito ang maiikling pagsusulit na maaaring gamitin upang madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa bahagi ng pangungusap: Simuno at Panaguri 1  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 2  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 3  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 4  - Download the PDF copy  HERE .

Araling Panlipinan - Pagtukoy ng Direksiyon

Ang direksyon ay nagtuturo ng kinaroroonan ng isang bagay o lugar. Maraming salita ang maaaring gamitin sa pagtuturo ng direksyon. Kabilang na dito ang kanan, kaliwa, harapan, at likuran. Ang palaruan ay nasa harapan ng batang lalake.  Ang simbahan ay nasa kaliwa ng batang lalake.  Ang ospital ay nasa kanan ng batang lalake. Ang mga bahay ay nasa likuran ng batang lalake.  Pangunahing Direksiyon Bukod sa mga nasa itaas, mayroon pang ibang mga salitang ginagamit sa pagtuturo ng direksyon. Ito ay ang hilaga , silangan , timog , at kanluran . Ang apat na ito ay tinatawag na pangunahing direksiyon . Tingnan natin ang compass rosa na ito. Ang H ay tumutukoy sa  direksyong  paitaas o Hilaga. Ang S ay tumutukoy sa  direksyong  pakanan o Silangan. Ang T ay tumutukoy sa  direksyong  pababa o Timog. Ang K ay tumutukoy sa direksyong pakaliwa o Kanluran. (Itutuloy ko pa po ...