Monday, November 26, 2018

Kaantasan ng Pang-uri

Notes will follow. I just need too park these links here.

Worksheets:

Kaantasan ng Pang-uri 1
Long exercise on writing the correct adjective degree based on what is asked / context clues

Kaantasan ng Pang-uri 2
More of the same type of exercise as above

Wednesday, November 21, 2018

Pantukoy

Ang pantukoy (article) ay mga katagang ginagamit upang ipakilala ang mga pangngalan sa pangungusap.

Ang "ang" at "ang mga" ay mga pantukoy na pambalana. Ito ay matatagpuan sa unahan ng mga pangngalang pambalana (common nouns).
          hal.    Ang ibon ay nag-uwi ng uod sa kanyang mga inakay.
                    Ang mga ibon ay namamahay sa sanga ng puno.

Ang "si" at "sina" naman ay mga pantukoy na pantangi. Matatagpuan ang mga ito sa unahan ng mga pangngalang pantangi (proper nouns).
          hal.     Si Fernando ay isang mabuting anak.
                     Sina Fernando at Gabriel ay mabubuting mga anak.


Narito ang ilang mga pagsusulit tungkol sa pantukoy:

Fil 1- Pantukoy na Pambalana 1
10-item fill-in-the-blank exercise in choosing the right article for common nouns

Fil 1- Pantukoy na Pambalana 2
10-item fill-in-the-blank exercise in choosing the right article for common nouns

Tuesday, November 20, 2018

Nagtrabaho si Juan Tamad Modyul

This is a story of a lazy young man who was forced to find work because his mother finally got fed up of his laziness. The module contains a glossary for terms used, a short vocabulary quiz, comprehension questions, a short writing exercise, and a characterization exercise.




 Sa isang maliit na baryo ay may nakatirang mag-ina. Ang nanay ay sobrang sipag ngunit ang anak naman, si Juan, ay labis ang katamaran. Hirap na hirap ang kanyang nanay na utusan ang anak dahil mas gusto nitong mahiga sa damuhan at panoorin ang mga ulap.
Isang araw, tinawag ng nanay si Juan ngunit hindi ito sumagot. Dumungaw sa bintana ang nanay at nakitang nakadapa ang kanyang anak sa sahig. Pinapanood nito ang pila ng langgam na naglalakad sa lupa.
“Juan, pumasok ka na at maghanda ng hapagkainan. Tayo ay manananghalian na,” ang malakas na tawag nito sa binata. Hindi tumayo si Juan. Nagpatuloy lang ito sa kanyang pagkakahiga sa lupa. “Juan, tumayo ka riyan at tulungan mo akong maghanda ng ating kakainin!” ang mas malakas na tawag ng nanay nito. Tila hindi pa rin siya naririnig ng binata.  Napuno na sa yamot ang nanay ni Juan dahil nakailang tawag na ito sa anak.
“Naku, Juan. Ako’y pagod na pagod na sa pagtawag sa iyo. Napakarami ko pang kailangang gawin dito sa bahay. Simula ngayon, ikaw ay umalis at maghanap ng hanapbuhay. Huwag kang uuwi hangga’t hindi sumusuweldo dahil hindi kita pakakainin,” ang naiinis na sabi ng nanay kay Juan.
Sa takot na magutom, dali-daling umalis si Juan at naghanap ng mapagtatrabahuhan. Suwerte naman siya dahil ang kanilang kapitbahay na magsasaka ay naghahanap ng makakatulong nito sa bukid. Buong araw na nakayuko si Juan habang nagtatanim ng palay. Pagdating ng hapon, ang binata ay binigyan ng magsasaka ng isang piso. Noong panahon na iyon ay malaki na ang halagang ito kaya’t tuwang-tuwa si Juan. Inilagay ni Juan ang piso sa kanyang bulsa ngunit hindi niya napansing butas pala ito. Sa daan pauwi ay nahulog ang piso mula sa bulsa ng binata at gumulong ito sa damuhan. Sinubukan ni Juan na hanapin ang piso ngunit makalipas ang ilang minuto ay umatake na ang katamaran nito.
Pagdating sa bahay, hinanap ng kanyang ina ang kanyang kinita noong araw na iyon. Ikinuwento ni Juan ang nangyari sa piso. Galit man ay pinakain pa rin si Juan ng kanyang ina. Pinayuhan nito ang anak na sa susunod ay ilagay nito sa bulsang walang butas ang kanyang susuwelduhin.
Kinabukasan, isang pastol naman ang nilapitan ni Juan. Buong araw na binantayan ng binata ang mga alagang baka at kalabaw ng pastol. Pagdating ng hapon ay binigyan ng pastol ang binata ng isang malaking bote ng gatas. Masayang umuwi ang pagod na si Juan. Mahilig kasing uminom ng gatas ang kanyang ina at tiyak na matutuwa iyon. Isinilid ni Juan ang bote ng gatas sa kanyang bulsa ayon na rin sa payo ng kanyang nanay. Ngunit nakita ni Juan na walang takip ang bote. Naghanap siya ng maaaring gamiting takip ngunit matapos ang ilang minuto ay umiral na ang katamaran ng binata. Naglakad na ito pauwi kahit wala pang takip ang bote. Unti-unting tumapon ang gatas na laman nito.
Pagdating sa bahay, hinanap ng kanyang ina ang kanyang kinita noong araw na iyon. Binigay ni Juan ang boteng wala nang laman at ipinaliwanag ang nangyari sa gatas. Galit man ay pinakain pa rin si Juan ng kanyang ina. Pinayuhan nito ang anak na sa susunod ay hawakan na lamang ni Juan ang kanyang susuwelduhin.
Kinabukasan, sa isang may-ari ng tindahan naman lumapit si Juan. Buong araw na nagbantay si Juan sa malaking tindahan at inayos rin niya ang mga paninda. Pagdating ng hapon, binigyan si Juan ng isang malaking tipak ng mantekilya. Tuwang-tuwa ang binata dahil masarap ipalaman sa tinapay ang mantekilyang iyon. Naalala niya ang bilin ng kanyang ina kaya’t imbis na humanap ng bag na paglalagyan ay hinawakan na lang ni Juan ang mantekilya. Sa umpisa ay nagmamadaling tumakbo si Juan ngunit hindi nagtagal ay bumagal na ito. Unti-unting natunaw ang mantekilya. Pagdating sa bahay ay tunaw na grasa na lamang sa kanyang palad ang natira sa kanyang sinuweldo.
“Ano ka ba namang binata ka? Bakit ang tamad mong mag-isip? Sa susunod, balutin mo sa dyaryo at ipatong mo lamang sa iyong palad ang iyong susuwelduhin,” ang naiinis na sabi ng nanay nito. Tulad ng mga nakaraang araw, kahit na walang naiuwi si Juan ay pinakain pa rin siya ng mabait na ina.
Kinabukasan, isang panadero naman ang nilapitan ni Juan. Buong araw itong namawis habang nagluluto ng tinapay sa pugon. Pagdating ng hapon, inabutan si Juan ng panadero ng isang pusa. “Matutuwa ang iyong nanay dahil magaling manghuli ng daga ang pusang iyan,” ang sabi ng panadero. Nagmadali namang naghanap ng dyaryo si Juan. Binalot niya ng bahagya ang pusa at ipinatong sa kanyang palad. Habang nasa daan ay may nakitang mga daga ang pusa kaya ito ay tumalon mula sa palad ni Juan. Hinabol ng pusa ang mga dagang nagtakbuhan papalayo. Sa umpisa ay hinabol din ni Juan ang pusa ngunit di nagtagal ay umiral na ang kanyang katamaran. Umuwi na lamang ito kahit hindi niya pa nahuhuli ang pusang sinuweldo.
Pagdating sa bahay ay hinanap ng nanay ang sinuweldo ni Juan. Malungkot na kinuwento ng binata kung ano ang nangyari sa pusa. Galit man ay pinakain pa rin ng nanay ang anak. Pinayuhan nitong sa susunod ay talian nito ang susuwelduhin at hilahin itong pauwi. “Opo, susundin ko po ang inyong payo, Inay,” ang mabilis namang sagot ng binata.
Kinabukasan, isang magkakarne naman ang nagbigay ng trabaho kay Juan. Buong araw na nagbantay ng tindahan si Juan habang inaayos ang malalaking hiwa na karne. Pagsapit ng hapon ay binigyan ng matadero ng isang malaking hiwa ng karne ang binata. Tinalian ito ni Juan at kinaladkad pauwi. Pagdating sa bahay, laking pagka-dismaya ng ina nang makita nitong maliit na piraso na lamang ng maruming karne ang natira sa sinuweldo ng kanyang anak.
“Sinayang mo ang iyong pinagpaguran anak. Sa susunod ay pasanin mo na lang sa iyong balikat ang iyong susuwelduhin,” ang naiinis na sambit ng ina. “Inay, huwag na kayong magalit. Tatandaan ko po ang iyong payo,” ang pangako ni Juan habang kumakain ng hapunan.
 Kinabukasan, isang nag-aalaga ng mga hayop naman ang nagbigay ng trabaho kay Juan. Pinakain ni Juan ang mga alagang hayop at nilinis ang mga tirahan ng mga ito. Pagdating ng hapon ay sinuwelduhan si Juan ng isang guya. Mabilis na pinasan ni Juan ang nagpupumiglas na hayop at dahan-dahang naglakad pauwi. 
Sa ‘di kalayuan ay may isang dalagang nakadungaw sa kanilang bintana. Ang dalaga ay may kapansanan. Ilang taon na ang nakalilipas nang bigla na lamang itong tumigil sa pagsasalita. Ayon sa mga dalubhasa, gagaling lamang ang dalaga kung ito ay mapapatawa. Sa kagustuhang gumaling ang anak, nangakong magbibigay ng malaking pabuya ang ama ng dalaga sa kung sino mang makakapagpatawa sa kanyang anak.
Napadaan si Juan sa tapat ng bahay ng dalaga. Nakita siya nitong hirap na hirap habang pinipigilang makababa ang guya sa kanyang balikat. “Parang awa mo na, huwag kang bumaba at siguradong mapapagalitan na naman ako ng aking nanay!” ang pagmamakaawa ng binata sa guyang patuloy pa ring nagpupumiglas. Isang malakas na tawa ang narinig sa kalsada. Nagulat ang lahat dahil ilang taon na nilang hindi naririnig ang boses ng dalaga sa bintana.
Dali-daling pinatawag ng ama nito ang binatang si Juan. Binigyan nito si Juan ng malaking pabuya at pinangakuang bibigyan ng magandang trabaho sa kaniyang sakahan. Mula noon ay hindi na problema ni Juan ang kanyang susuwelduhin, at masaya na rin ang kanyang ina dahil hindi na tamad ang kanyang anak.



Download the module here.

Tuesday, November 6, 2018

Pagbuo ng Pandiwa Gamit ang Iba't-ibang Panlapi

Writing the different forms of verbs can be very tricky. Not only do you need to remember the tenses, you also need to know where to put the affixes.







Download here the lesson  with drills to help your student/child practice.


Friday, November 2, 2018

Aspektong Naganap - Pandiwa

One worksheet for past tense (aspektong naganap / perpektibo) of the verb. Your child/student will have to write the correct form of the verb in order to complete the story.

Aspektong Naganap - Pandiwa 1
18 items of filling up the blanks by writing the correct past tense of the verb

Wednesday, October 31, 2018

Aspektong Nagaganap - Pandiwa

Here are worksheets to help your child practice writing verbs in the present progressive tense (aspektong nagaganap). 

Filipino 2 - Aspektong Nagaganap - Pandiwa
A 15-item exercise in writing the correct form of the verb

Filipino 2 - Aspektong Nagaganap - Pandiwa 2
15-items more of the same type of exercise

Tuesday, October 30, 2018

Aspektong Magaganap - Pandiwa

These are exercises in writing the future tense form of the given verbs. 

This contains 12-items of writing the future tense of the given verbs. This talks about the New Year Resolution of a young child wanting to be a better person.

Another 12items of the same exercise. This talks about the plans for a young boy's birthday celebration.

Monday, October 29, 2018

Wastong Gamit ng Pandiwa

Do you know when to use "pahirin" and when to use "pahiran"? Filipino verbs can be a little confusing. Here is a lesson that will hopefully clear it up a bit.


Short quizzes for this lesson here:

This is a 20-item exercise sheet for practicing how to use the correct verb.

12 more items for using the right form of the verb to complete sentences.

Friday, October 26, 2018

Ang Dalawang Magkaibang Pinuno Modyul

This is a long read for the older students (Grade 6 and above, I think). I modified this story from another because the original was too sad for me. 


    Noong unang panahon, sa isang malayong pook na nagngangalang Sitio Kinabukasan, makapal na makapal ang kagubatan at ang mga hayop ay maiilap. Malayo ang pagitan ng mga bahay kaya’t madalang na may taong lumilibot dito maliban sa magkapatid na Hiraya at Amyuin. Sila ang anak ng dating tagaapamahala ng Sitio Ipo.

Maagang naulila ang dalawa dahil natabunan ng lupa ang kanilang ama at ina nang tamaan ang sitio ng isang delubyo ilang taon na ang nakalilipas. Simula nang pumanaw ang ama, si Hiraya na ang tumayong tagapangalaga ng Sitio Kinabukasan. Bagaman siya’y bata pa, sinikap ni Hirayang pamahalaan ang sitio sa paraang inaakala niyang matuwid. Nagbigay siya ng mga kautusan. Ang sinumang sumusuway sa mga kautusan ng sitio ay agad niyang pinarurusahan.

Narito ang mga kautusan ng sitio:
    Bawal manghuli ng kahit anong hayop sa gubat.
    Bawal maligo sa ilog araw-araw.
    Bawal pumitas ng kahit anong pananim sa kapatagan.
    Bawal mangisda sa lawa.
    Bawal magtayo ng bahay sa dalampasigan.
    Bawal uminom sa bukal.

Maraming tutol sa mga kautusan ni Hiraya. Kabilang na rito ang kanyang kapatid na si Amyuin. Madalas nilang pinagtatalunan ang mahigpit na pamamalakad ni Hiraya. Maraming pagkakataon na ring naging tagapagtanggol ng mga taga-Sitio Kinabukasan si Amyuin.
    Isang araw, inabutan ni Hiraya ang ilang kabataan na nangunguha ng mga bungangkahoy.

    “Walang makababali sa aking mga utos! Sino ang nagpahintulot sa inyong mamitas ng mga bungangkahoy rito? Hindi ba’t mahigpit kong ipinagbilin sa inyo na huwag babawasan ang anumang prutas at gulay rito sa kapatagan?” galit na usisa ni Hiraya.
   
    Nanginginig sa takot ang mga bata. Wala ni isa man sa kanilang makapagsalita. Dahan-dahan nilang ibinaba sa lupa ang mga prutas na pinitas.

    Inabutan ni Amyuin ang tagpong iyon. “Sandali!” tawag nito. “Pabayaan mo na sila. Ako ang nagpahintulot sa kanilang mamitas ng makakain sa pook na ito. Hinog na hinog na ang mga bunga ng balimbing, mabolo, at abokado. Nangangalaglag na nga ang mga ito sa lupa, tinutuka lang ng mga ibon. Hayaan mong ang mga batang ito naman ang makinabang sa mga prutas,” pagsusumamo ni Amyuin sa kapatid.

    “Wala ka sa katwiran, Amyuin! Higit na mapapanatag ang aking kalooban kung ang mga agila at kilyawan ang manginginain nito kaysa sa mga paslit na walang alam kundi magtawanan at maghabulan!” bulalas ni Hiraya.

    “Malupit ka, Hiraya!” hagulgol ni Amyuin.

    “Kailangan bang laging mahabag? Tingnan mo ang sinapit ng ating mga magulang. Inabuso ng mga tao ang kanilang kabaitan. Naubos ang mga yaman ng Sitio Kinabukasan. Halos nakalbo na ang kagubatan kaya’t walang sumipsip ng tubig noong lumakas ang ulan. Sila ang may kasalanan kung bakit natabunan ng lupa ang ating mga magulang. Kung naging mas mahigpit lang si Ama, hindi magkakaroong ng pagguho ng lupa,” ang mahabang paliwanag ni Hiraya.

    “Oo nga’t nagbalik na ang mga puno’t halaman. Pati ang mga hayop ay bumalik na rin sa kanilang mga tahanan. Ngunit ang mga tao rito ay pinaghaharian ng takot,” malungkot na tugon ni Amyuin.

    “Wala akong pakialam kung sila ay natatakot basta sumunod sila sa mga kautusan,” ang sagot ni Hiraya sabay talikod sa kapatid.

    Pagkatapos ng kanilang pagtatalo, mabilis na nilisan ni Amyuin ang Sitio Kinabukasan. Tinunton niya si Engkantada Mayumi, ang mabait na engkantada ng kagubatan. Humingi ng tulong sa engkantada ang malungkot na dalaga.

    “Naiintindihan ko ang iyon problema ngunit naiintindihan ko rin kung bakit puno ng poot ang puso ni Hiraya. Alam kong may pag-asa pang magbago ang kaniyang isip ngunit maaaring hindi pa ito ang tamang panahon para magbago ang kaniyang isip,” ang marahang sambit ni Engkantada Mayumi.

    “Pumaroon ka, Amyuin, sa dakong timog-kanluran. Pamunuan mo ang pook na aking ipagkakaloob,” utos ng engkantada.

    Mabilis na tinungo ni Amyuin ang lugar na tinuring ni Engkantada Mayumi. Tinawag niyang Sitio Bagong Silang ang lugar. Inalagaan ni Amihan ang mga puno at hayop sa kanyang lugar na nasasakupan. Hindi nagtagal ay nagsimula nang dumating ang ilang tao at nagtayo sila ng kanilang tirahan sa Sitio Bagong Silang.

    Habang padami nang padami ang naninirahan sa sitio, napansin ni Amyuin na nagsisimula namang makalbo ang ilang bahagi ng kagubatan. Dumudumi na rin ang tubig sa mga lawa at ilog. Kumonti na rin ang mga nahuhuling isda rito. Habang dumadami kasi ang mga tao ay lalo ring dumadami ang pangangailangan para sa lupang titirahan, pagkain, at kagamitan. Naalala ni Amyuin ang mga kautusan ni Hiraya. Naisip niyang gayahin ang kanyang kapatid kaya’t pinulong niya ang mga naninirahan sa kanyang sitio.

    “Mga kaibigan, nagagalak akong makita kayong lahat. Pinulong ko kayo dahil may mga napapansin ako sa ating sitio na nakababahala sa akin. Mukhang napakabilis nating nauubos ang yaman ng ating kalupaan ngunit hindi naman ito napapalitan. Mukhang kailangan na nating magkaroon ng ilang kautusan upang maprotektahan ang ating Sitio Bagong Silang,” ang pahayag ng dalaga.

    “Kautusan? Kaya nga kami umalis sa Sitio Kinabukasan eh. Masyadong mahigpit ang mga kautusan ni Hiraya at mabilis pang magparusa,” ang tutol ng ilang bagong dating.

    “Ang aking mga kautusan ay hindi masyadong mahigpit. Ang mga ito ay para lamang maprotektahan kayo at ang ating mga yaman laban sa pagkaubos,” ang paliwanag ni Amyuin.

    “Halimbawa, kung ikaw ay puputol ng isang puno, kailangan mong magtanim ng apat na punong kapalit nito. Nang sa gayon ay hindi makalbo ang ating kagubatan. Kung kayo naman ay mangingisda, ipagbabawal ang paghuli sa mga maliit pang isda upang sila ay magkaroon ng pag-asang lumaki at magparami,” ang dagdag na paliwanag pa nito.

Naunawaan naman ng mga tao ang nais na mangyari ni Amyuin. Makatwiran kasi at mabuting naipaliwanag ng dalaga ang mga kautusan. Naging disiplinado ang mga tao at minahal nila ang namumuno sa Sitio Bagong Silang.

Isang araw, may isang lalaking dumating sa sitio. Nabalitaan kasi niyang may isang matalinong dalaga na namumuno dito. Nais niyang matuto kung paano mamuno sa isang lugar nang hindi kinatatakutan ng mga taong nakatira rito.

Agad na nakilala ni Amihan ang bagong salta. “Hiraya! Kay tagal kitang hindi nakita,” ang paiyak na sigaw ng dalaga habang tumatakbo palapit sa kapatid.

“Nabalitaan kong napakagaling daw ng pinuno ng sitiong ito. Bukod sa masagana ang kapaligiran ay mahal na mahal din siya ng kanyang mga nasasakupan. Ikaw pala ang pinunong iyon. Nais kong matuto mula sa iyo, aking kapatid,” ang buong pagkukumbabang wika ni Hiraya.

Nanirahan ng panandalian ang binata sa Sitio Bagong Silang. Dito ay natutunan niya ang mga makatarungang kautusan na ipinatutupad ni Amyuin. Di naglaon ay bumalik na si Hiraya sa Sitio Kinabukasan upang ipatupad ang mga bagong kautusan. Matapos ang ilang buwan, naging masaya at masagana na rin ang Sitio Kinabukasan tulad ng Sitio Bagong Silang. Ang mga nasasakupan ni Hiraya ay hindi na rin natatakot sa kanya. Sa halip ay mahal na nila at iginagalang ang kanilang dating malupit na pinuno.



 Download the module here.

Saturday, October 20, 2018

Ang Batang Mahilig Magtago Modyul

I created a story based on "Si Pilong Patago-tago". This story is very short and is quite an easy read. 

It contains a short comprehension test, hunting for and identifying the tense of verbs, and a short writing exercise.


Ang Batang Mahilig Magtago

Ang paboritong laro ni Tonyo ay taguan. Siya ang pinakamagaling magtago sa kanilang magkakalaro. Nagtatago siya sa loob ng maliliit na basurahan, sa tuktok ng mataas na puno, at sa likod ng mapapayat na poste.
“Tonyo! Nasaan ka na naman?” ang sigaw ng kanyang nanay. “Umuwi ka na at gumagabi na,” ang dagdag pa nito. Hindi makita ng kanyang nanay si Tonyo. Nagtatago pala ito sa likod ng kanilang halamang santan. Tumalon si Tonyo patayo at ginulat ang kanyang nanay. “Nay! Galingan mo naman po ang paghanap sa akin,” ang sabi nitong pabiro habang papasok sa kanilang bahay.

“Tonyo! Nasaan ka na naman?” ang sigaw ng kanyang tatay. “Itabi mo nga ang mga laruan mo, matatapakan ko na naman itong robot mo o!” ang dagdag pa nito. Hindi makita ng kanyang tatay si Tonyo. Nagtatago kasi ito sa loob ng kaniyang kabinet. Tumalon si Tonyo palabas ng kanyang kabinet at ginulat ang kanyang tatay. “Tay! Galingan mo naman ang paghanap sa akin,” ang sabi nitong pabiro habang sinisimulan nang damputin ang mga laruan sa sahig.

“Tonyo! Nasaan ka na naman?” ang sigaw ng kanyang kuya. “Maligo ka na. Maiiwan na naman tayo ng ating school bus,” ang dagdag pa nito. Hindi makita ng kanyang kuya si Tonyo. Nagtatago pala ito sa ilalim ng kanyang kama. Tumalon si Tonyo patayo at ginulat ang kanyang kuya. “Kuya! Galingan mo naman ang paghanap sa akin,” ang sabi nito habang kinukuha ang kanyang tuwalya.

         Isang araw, umuwi si Tonyo mula sa kanyang paaralan at nadatnang madilim ang kanilang bahay. “Nay? Tay? Bakit po walang ilaw?” ang sigaw nito. Walang sumagot sa kanya. Nakaramdam ng kaunting takot si Tonyo habang binubuksan ang mga ilaw sa sala at hapag kainan. Sumilip siya sa kuwarto ng kaniyang mga magulang. Pumasok din siya sa kuwarto ng kanyang kuya. Pati ang banyo ay kanyang pinuntahan. Wala sila doon. Nasaan sila?

         Lumabas ulit si Tonyo papuntang sala kung saan siya ay nagulat ng napakalakas na sigaw, “Surprise!” Napasigaw si Tonyo sa sobrang gulat. Nagtawanan ang kanyang nanay, tatay, kuya, at ilan pang bisita. “Nagulat ka, ano?” ang pabirong tanong ng kanyang nanay. “Hindi mo naman ginalingan ang paghanap sa amin, anak,” ang pabiro ring dagdag ng kanyang tatay. “Maligayang kaarawan, Tonyo!” ang sabi ng kanyang kuya. “Nagustuhan mo ba ang aming sorpresa?”

         Tumawa ng malakas si Tonyo.”Natalo niyo ako sa taguan!” ang masayang sambit nito.

 Download the module here: Ang Batang Mahilig Magtago 

Saturday, October 13, 2018

Uri ng Pandiwa - Katawanin o Palipat

Here is an intro video to the kinds of verbs (uri ng Pandiwa):




Now that you know the difference between a transitive verb (Palipat) and intransitive verbs (Katawanin), test what you know by answering any of these simple worksheets:

Palipat o Katawanin 1 - this is a 10-item quiz on identifying if the underlined verb is transitive or intransitive. There is also a very short writing exercise.

Palipat o Katawanin 2 - this is another version of the 10-item quiz on identifying if the underlined verb is transitive or intransitive. There is also a very short writing exercise.

Palipat o Katawanin 3 - This is a little harder than the two previous quizes. You will have to identify the verb and then determine what kind it is. You will then be asked to use the given verbs to write 2 sentences.

Monday, October 8, 2018

Ang Tatlong Biik Modyul

This is a story about three piglets and their adventure versus the big wolf. I incuded a lot of comprehension and writing exercises to go with the translated story.

It contains a vocabulary exercise, comprehension questions, open-ended questions, sequencing events, identifying character traits, filling up a graphic organizer based on story elements, and providing an alternate ending. There is even a bonus exercise requiring creativity.

Read and download the module here:


Ang Tatlong Biik

May tatlong biik na nagdesisyong maglakbay upang hanapin ang kanilang kapalaran. Napag-usapan ng mga biik na humanap ng lugar kung saan sila makapagatayo ng bahay. Sila ay naghiwahiwalay upang humanap ng maayos na lugar na maaari nilang tirahan.

         May pagkatamad ang unang biik kung kaya’t hindi siya masyadong lumayo. Siya ay nagtayo ng maliit na bahay na gawa sa dayami. Isang araw, may napadaang isang lobo at nakita nito ang biik na nakatira sa loob ng bahay na dayami. Sa isang malakas na ihip lamang ay napatumba na nito ang bahay na ginawa ng unang biik. Sa takot na makain ng lobo, ang unang biik ay nagtatakbo hanggang sa makarating ito kung nasaan ang ikalawang biik.

         Wais naman ang pangalawang biik kaya nagtayo siya ng kanyang bahay sa may di kalayuan mula sa kung saan sila naghiwahiwalay ng kanyang mga kapatid. Gumamit siya ng kahoy at pawid upang itayo ang kanyang bahay. Hindi nagtagal ay dumating na ang malaking lobo na humahabol sa unang biik. Sa isang malaking ihip ay nanginig ang bahay na gawa sa kahoy at pawid. Isang ihip pa ay napatumba na ng lobo ang bahay na ginawa ng ikalawang biik. Sa takot ng dalawang biik ay kumaripas sila hanggang sa matunton nila ang ikatlong biik.

         Ang ikatlong biik ay hindi lamang matalino. Siya ay masipag rin. Nagtayo siya ng bahay na nasa tuktok ng maliit na burol at gumamit siya ng bato upang mabuo ito. Saktong katatapos pa lamang niyang itayo ang bahay nang dumating na humahangos ang kanyang dalawang kapatid na biik.


         Hindi nagtagal ay dumating na rin ang malaking lobo. Gutom na gutom na ito at sabik na sabik nang kainin ang tatlong biik. Hinipan niya ang bahay na bato ngunit hindi man lamang ito nanginig. Hinipan niya nang paulit-ulit ang bahay ngunit hindi niya ito napatumba. Habang nagpapahinga, napatingin sa bandang bubong ng bahay ang lobo. Nakita niya ang chimineya at naisip niyang duon na lamang magdaan upang mahuli ang tatlong biik. Lingid sa kanyang kaalaman, nagsimula nang magsindi ng apoy ang tatlong biik sa ilalim ng chimineya. Nagsalang sila ng isang malaking kaldero ng tubig. Pagbaba ng lobo mula sa chimineya ay nalaglag ito sa palayok ng kumukulong tubig! Nagtatakbo paalis ang lobo at hindi na muling nagbalik. Dahil sa nangyari, natuto nang magsipag ang dalawang biik.