This is a story of a lazy young man who was forced to find work because his mother finally got fed up of his laziness. The module contains a glossary for terms used, a short vocabulary quiz, comprehension questions, a short writing exercise, and a characterization exercise.
Download the module here.
Sa isang maliit na baryo ay may nakatirang
mag-ina. Ang nanay ay sobrang sipag ngunit ang anak naman, si Juan, ay labis
ang katamaran. Hirap na hirap ang kanyang nanay na utusan ang anak dahil mas
gusto nitong mahiga sa damuhan at panoorin ang mga ulap.
Isang
araw, tinawag ng nanay si Juan ngunit hindi ito sumagot. Dumungaw sa bintana
ang nanay at nakitang nakadapa ang kanyang anak sa sahig. Pinapanood nito ang
pila ng langgam na naglalakad sa lupa.
“Juan,
pumasok ka na at maghanda ng hapagkainan.
Tayo ay manananghalian na,” ang malakas na tawag nito sa binata. Hindi tumayo
si Juan. Nagpatuloy lang ito sa kanyang pagkakahiga sa lupa. “Juan, tumayo ka
riyan at tulungan mo akong maghanda ng ating kakainin!” ang mas malakas na
tawag ng nanay nito. Tila hindi pa rin siya naririnig ng binata. Napuno na sa yamot ang nanay ni Juan dahil nakailang tawag na ito sa anak.
“Naku,
Juan. Ako’y pagod na pagod na sa pagtawag sa iyo. Napakarami ko pang kailangang
gawin dito sa bahay. Simula ngayon, ikaw ay umalis at maghanap ng hanapbuhay. Huwag kang uuwi hangga’t
hindi sumusuweldo dahil hindi kita pakakainin,” ang naiinis na sabi ng nanay
kay Juan.
Sa takot
na magutom, dali-daling umalis si
Juan at naghanap ng mapagtatrabahuhan. Suwerte naman siya dahil ang kanilang
kapitbahay na magsasaka ay naghahanap ng makakatulong
nito sa bukid. Buong araw na nakayuko si Juan habang nagtatanim ng palay.
Pagdating ng hapon, ang binata ay binigyan ng magsasaka ng isang piso. Noong
panahon na iyon ay malaki na ang halagang ito kaya’t tuwang-tuwa si Juan.
Inilagay ni Juan ang piso sa kanyang bulsa ngunit hindi niya napansing butas
pala ito. Sa daan pauwi ay nahulog ang piso mula sa bulsa ng binata at gumulong
ito sa damuhan. Sinubukan ni Juan na hanapin ang piso ngunit makalipas ang
ilang minuto ay umatake na ang katamaran nito.
Pagdating
sa bahay, hinanap ng kanyang ina ang kanyang kinita noong araw na iyon. Ikinuwento
ni Juan ang nangyari sa piso. Galit man ay pinakain pa rin si Juan ng kanyang
ina. Pinayuhan nito ang anak na sa susunod ay ilagay nito sa bulsang walang
butas ang kanyang susuwelduhin.
Kinabukasan,
isang pastol naman ang nilapitan ni
Juan. Buong araw na binantayan ng binata ang mga alagang baka at kalabaw ng
pastol. Pagdating ng hapon ay binigyan ng pastol ang binata ng isang malaking
bote ng gatas. Masayang umuwi ang pagod na si Juan. Mahilig kasing uminom ng
gatas ang kanyang ina at tiyak na matutuwa iyon. Isinilid ni Juan ang bote ng gatas sa kanyang bulsa ayon na rin sa
payo ng kanyang nanay. Ngunit nakita ni Juan na walang takip ang bote. Naghanap
siya ng maaaring gamiting takip ngunit matapos ang ilang minuto ay umiral na
ang katamaran ng binata. Naglakad na ito pauwi kahit wala pang takip ang bote. Unti-unting
tumapon ang gatas na laman nito.
Pagdating
sa bahay, hinanap ng kanyang ina ang kanyang kinita noong araw na iyon. Binigay
ni Juan ang boteng wala nang laman at ipinaliwanag ang nangyari sa gatas. Galit
man ay pinakain pa rin si Juan ng kanyang ina. Pinayuhan nito ang anak na sa
susunod ay hawakan na lamang ni Juan ang kanyang susuwelduhin.
Kinabukasan,
sa isang may-ari ng tindahan naman lumapit si Juan. Buong araw na nagbantay si
Juan sa malaking tindahan at inayos rin niya ang mga paninda. Pagdating ng
hapon, binigyan si Juan ng isang malaking tipak
ng mantekilya. Tuwang-tuwa ang binata dahil masarap ipalaman sa tinapay ang
mantekilyang iyon. Naalala niya ang bilin ng kanyang ina kaya’t imbis na
humanap ng bag na paglalagyan ay hinawakan na lang ni Juan ang mantekilya. Sa
umpisa ay nagmamadaling tumakbo si Juan ngunit hindi nagtagal ay bumagal na
ito. Unti-unting natunaw ang mantekilya. Pagdating sa bahay ay tunaw na grasa
na lamang sa kanyang palad ang natira sa kanyang sinuweldo.
“Ano ka
ba namang binata ka? Bakit ang tamad mong mag-isip? Sa susunod, balutin mo sa
dyaryo at ipatong mo lamang sa iyong palad ang iyong susuwelduhin,” ang naiinis
na sabi ng nanay nito. Tulad ng mga nakaraang araw, kahit na walang naiuwi si
Juan ay pinakain pa rin siya ng mabait na ina.
Kinabukasan,
isang panadero naman ang nilapitan ni Juan. Buong araw itong namawis habang
nagluluto ng tinapay sa pugon. Pagdating ng hapon, inabutan si Juan ng panadero
ng isang pusa. “Matutuwa ang iyong nanay dahil magaling manghuli ng daga ang
pusang iyan,” ang sabi ng panadero. Nagmadali namang naghanap ng dyaryo si
Juan. Binalot niya ng bahagya ang pusa at ipinatong sa kanyang palad. Habang
nasa daan ay may nakitang mga daga ang pusa kaya ito ay tumalon mula sa palad
ni Juan. Hinabol ng pusa ang mga dagang nagtakbuhan papalayo. Sa umpisa ay
hinabol din ni Juan ang pusa ngunit di nagtagal ay umiral na ang kanyang katamaran. Umuwi na lamang ito kahit hindi
niya pa nahuhuli ang pusang sinuweldo.
Pagdating
sa bahay ay hinanap ng nanay ang sinuweldo ni Juan. Malungkot na kinuwento ng binata
kung ano ang nangyari sa pusa. Galit man ay pinakain pa rin ng nanay ang anak.
Pinayuhan nitong sa susunod ay talian nito ang susuwelduhin at hilahin itong
pauwi. “Opo, susundin ko po ang inyong payo, Inay,” ang mabilis namang sagot ng
binata.
Kinabukasan,
isang magkakarne naman ang nagbigay
ng trabaho kay Juan. Buong araw na nagbantay ng tindahan si Juan habang inaayos
ang malalaking hiwa na karne. Pagsapit ng hapon ay binigyan ng matadero ng
isang malaking hiwa ng karne ang binata.
Tinalian ito ni Juan at kinaladkad
pauwi. Pagdating sa bahay, laking pagka-dismaya ng ina nang makita nitong
maliit na piraso na lamang ng maruming karne ang natira sa sinuweldo ng kanyang
anak.
“Sinayang
mo ang iyong pinagpaguran anak. Sa susunod ay pasanin mo na lang sa iyong
balikat ang iyong susuwelduhin,” ang naiinis na sambit ng ina. “Inay, huwag na
kayong magalit. Tatandaan ko po ang iyong payo,” ang pangako ni Juan habang
kumakain ng hapunan.
Kinabukasan, isang nag-aalaga ng mga hayop
naman ang nagbigay ng trabaho kay Juan. Pinakain ni Juan ang mga alagang hayop
at nilinis ang mga tirahan ng mga ito. Pagdating ng hapon ay sinuwelduhan si
Juan ng isang guya. Mabilis na pinasan ni Juan ang nagpupumiglas na hayop at
dahan-dahang naglakad pauwi.
Sa ‘di
kalayuan ay may isang dalagang nakadungaw sa kanilang bintana. Ang dalaga ay
may kapansanan. Ilang taon na ang nakalilipas nang bigla na lamang itong
tumigil sa pagsasalita. Ayon sa mga dalubhasa, gagaling lamang ang dalaga kung
ito ay mapapatawa. Sa kagustuhang gumaling ang anak, nangakong magbibigay ng
malaking pabuya ang ama ng dalaga sa kung sino mang makakapagpatawa sa kanyang
anak.
Napadaan
si Juan sa tapat ng bahay ng dalaga. Nakita siya nitong hirap na hirap habang
pinipigilang makababa ang guya sa kanyang balikat. “Parang awa mo na, huwag
kang bumaba at siguradong mapapagalitan na naman ako ng aking nanay!” ang
pagmamakaawa ng binata sa guyang patuloy pa ring nagpupumiglas. Isang malakas
na tawa ang narinig sa kalsada. Nagulat ang lahat dahil ilang taon na nilang
hindi naririnig ang boses ng dalaga sa bintana.
Dali-daling
pinatawag ng ama nito ang binatang si Juan. Binigyan nito si Juan ng malaking
pabuya at pinangakuang bibigyan ng magandang trabaho sa kaniyang sakahan. Mula
noon ay hindi na problema ni Juan ang kanyang susuwelduhin, at masaya na rin
ang kanyang ina dahil hindi na tamad ang kanyang anak.
Download the module here.
Comments
Post a Comment