Saturday, December 28, 2019

Ang Hari at ang Bato sa Gitna ng Daan Modyul

Have you ever encountered an obstacle in your life? What did you do in order to get past it? Here is a story of a king who deliberately placed an obstacle on the road in order to see how people are going to deal with it. Who will remove the huge rock? Find out in this module.



Noong unang panahon, may isang hari na palaging nag-iisip ng paraan kung paano niya mapabubuti ang kanyang kaharian. Isang araw, naisipan niyang subukin ang mga tao sa kaniyang nasasakupan. Nais niyang alamin kung ano ang gagawin ng mga tao kung sakaling sila ay may makitang isang sagabal sa kanilang daraanan.

“Magpapalagay ako ng isang malaking bato sa gitna ng kalsada. Pagtapos ay magkukunwari akong isang tindero upang maobserbahan ko ang mga taong dadaan. Titingnan ko kung ano ang kanilang gagawin,” ang sabi ng hari sa kanyang sarili.

Noong gabing iyon ay nagpalagay na nga ang hari ng isang malaking tipak ng bato sa gitna ng daan. Kinabukasan, dala ang kanyang paninda at suot ang isang malaking sumbrero, tumigil ang hari sa tabi ng kalsada at nagkunwaring tindero.

Maya-maya ay may dumaang isang karwahe. Nakasakay dito ang isa sa pinakamayamang tao sa kaharian. Naglalakad sa tabi ng karwahe ang sampung utusan ng lalake. “May batong nakaharang sa daan. Iiwas mo ang karwahe,” ang utos nito sa kutsero.

“Hindi man lang naisip ng taong iyon na alisin ang sagabal samantalang napakarami niyang utusan na maaring gumawa ng trabaho,” ang malungkot na naisip ng hari.

Ilan pang karwahe ng mayayamang tao ang dumaan. Naobserbahan ng hari na ang lahat ay umiwas sa batong nakaharang sa daan. Lahat sila ay nagmamadali.

Hindi nagtagal ay nakita ng hari na paparating ang mga karwahe ng mga pinuno ng kaharian. “Ah, ang mga ito ay mga namumuno sa aking kaharian. Siguradong sila ay mayroong malasakit sa iba at tatanggalin ang nakaharang sa kalsada,” ang naisip ng hari.

“Bakit may bato sa daraanan? Anong klaseng hari ba ang mayroon tayo at hindi man lamang niya mapanatiling maayos ang mga kalsada sa lugar na kanyang nasasakupan?” ang reklamo ng unang pinunong dumaan.

Nagulat ang hari dahil ang inaakala niyang mga taong may gagawin upang maalis ang balakid sa daan ay walang ginawa. Bagkus, ang mga pinunong dumaan ay nagreklamo pa.

“Ito ba ang mga pinunong pinagkakatiwalaan ko upang tumulong sa aking mamuno?” ang dismayadong naisip ng hari.

Pagdating ng tanghali, nagsimula nang mawalan ng pag-asa ang hari dahil wala pa ring nag-aalis ng bato sa kalsada kahit na napakarami nang dumaan.

Maya-maya ay may isang karitong dumating. Sakay nito ang isang magsasaka na papunta sa pamilihan. “Naku, may malaking bato sa daraanan. Siguradong maraming maabala nito,” ang mahinang sambit ng magsasaka. Kaagad itong bumaba mula sa kanyang kariton at dali-daling itinulak ang mabigat na bato. Dahil sa sobrang bigat, ang bato ay hindi maiusog ng magsasaka.

“Amang, maaari mo ba akong tulungang ilagay ang bato sa gilid ng kalsada? Marami kasing maaabala nito kapag ito ay hinayaan lamang,” ang sabi nito sa tindero na nakaupo sa gilid ng kalsada. Lumapit ang hari na nagkukwaring tindero at pinagtulungan nila ng magsasaka na buhatin ang bato.

Nang maitabi na nila ang malaking bato, inalis ng hari ang kanyang takip sa ulo. Laking gulat ng magsasaka nang makilala niya ang hari.

“Dahil sa iyong malasakit para sa iba, bibigyan kita ng pabuya,” ang wika ng hari. Maliban pa sa isang malaking supot ng ginto, isinama rin ng hari ang magsasaka sa kanyang palasyo upang mahingan niya ito ng payo ukol sa pamumuno.

Ipinatawag ng hari ang mga pinuno ng kaniyang kaharian. Ikinuwento niya ang kanyang naobserbahan sa gilid ng kalsada. Isa-isa niyang inalis sa puwesto ang mga pinuno na walang ginawa upang maalis ang balakid sa daan at nagreklamo lamang tungkol dito.



Find vocabulary exercises, reading comprehension questions, and writing practices based on this story here.

Friday, October 4, 2019

Pagpapantig - New Lesson

Ang bawat salita ay binubo ng mga pantigAng pantig ay galaw ng bibig, saltik ng dila na may kasabay na tunog ng lalamunan o walang antalang bugso ng tinig sa pagbigkas ng salita. 

Mahalagang matutunan ng isang mag-aaral ang pagpapantig ng mga salita dahil ito ay makatutulong sa pagpapabilis magbasa. Dadgdag pa na matutunan din nilang bumuo ng bagong salita sa pamamagitan ng pagdadagdag ng titik o pantig.

Narito ang isang maikling pagsusulit. Pantigin ang mga salita sa ibaba at isulat kung ilang pantig ang bumubuo sa bawat isa:

_____ 1.) tahimik
_____ 2.) katutubo
_____ 3.) sa
_____ 4.) hindi
_____ 5.) silid-aralan
_____ 6.) itim
_____ 7.) po
_____ 8.) nararamdaman
_____ 9.) dalawa
_____ 10.) nagagalak


Tingnan kung tama ang iyong mga sagot:
1.) 3
2.) 4
3.) 1
4.) 2
5.) 5
6.) 2
7. 1
8.) 5
9.) 3
10.) 4

Kung kailangan pa ng dagdag na ensayo, sagutin ang mga worksheets dito:

(sorry, to follow)




Pagsusulit sa Kambal Katinig

Nalilito pa rin kung ang mga salita ay mayroong kambal katinig o wala? Narito ang isang maikling pagsusulit na maaaring makatulong.


Sunday, September 29, 2019

Tukuyin kung Simuno o Panaguri

Narito ang isang maiksi at madaling pagsusulit sa pagtukoy kung ang mga salita ay bumubuo ng simuno o panaguri.


Wednesday, September 25, 2019

Tore ng Babel Modyul

Have you ever wondered why there are so many different languages used all over the world? The Bible has an explanation for this. 

Read the story and answer the comprehension questions afterward. There are a few writing exercises included in this module. 


        Sa simula ay iisa lamang ang wika na ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. Wala silang problema sa pagkakaintindihan dahil parepareho ang mga salitang kanilang ginagamit.
Sa kanilang paglalakbay patungong silangan, may isang malaking grupo ng tao na nakarating sa isang lambak sa lupaing Sinar. Nagpasiya sila na dito na tumigil at manirahan.
        Ang mga tao ay nag-usap-usap. “Halikayo! Gumawa tayo ng isang lungsod na may toreng ang taluktok ay aabot sa langit. Tiyak na tayo ay magiging tanyag sa buong daigdig kapag ito ay nagawa natin. Tayo ay hindi na rin magkakawatak-watak kapag natapos natin ang toreng ito,” ang sabi ng mga namumuno.
        Nagkasundo silang gawin ang toreng pinlano. Sila ay gumawa ng maraming tisa. Niluto nila itong mabuti upang maging matibay. Tisa ang ginamit nilang pambuo sa tore sa halip na bato. Alkitran naman ang kanilang ginamit sa halip na semento.  

        Nanaog ang Panginoon upang tingnan ang lungsod at ang toreng ginagawa ng mga tao. Siya ay nagwikang, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal ay wala nang makapipigil sa kanila sa ano mang balakin nilang gawin. Ang mabuti ay bumaba tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaunawaan.”
        Ginawa nga ng Panginoon ang kaniyang winika. Pinagwatak-watak Niya ang mga tao at ikinalat sa ibat-ibang lupain sa buong daigdig. Dahil dito ay natigil na ang pagtatayo sa tore. Babel ang itinawag ng mga tao sa lungsod na hindi natapos sapagka’t doo’y ginulo ng Panginoon ang wika ng mga tao.



Recall the elements of the story by completing this graphic organizer.

Download the module here. It contains vocabulary exercises, comprehension questions, and more.

Here is a short quiz on subject and predicate based on this story. 

Saturday, August 24, 2019

Hansel at Gretel Modyul

What would you do if you find yourself trapped inside a weird house where the owner, a witch, is fattening you up so she could eat you? Find out how Hansel and Gretel deal with this problem in this module.

📢 Updated Version Available

This lesson was originally published on Teacher Abi.

A newer and expanded version is now available on Aral Tayo PH.

  • Illustrated story pages
  • Reading comprehension activities
  • Sequencing worksheet
  • Story map activity
  • Cut-and-color retelling activity
  • Additional printable worksheets
View the Updated Hansel at Gretel Reading Pack


Noong unang panahon, may isang mahirap na magtotroso na nakatira sa isang maliit na kubo sa may kagubatan. Kasama niyang nakatira dito ang kanyang dalawang anak na sina Hansel at Gretel. Maagang nabiyudo ang magtotroso at siya ay nag-asawang muli. Ayaw ng tiyahin sa kanyang dalawang anak. Palagi nitong iminumungkahi na paalisin na ng magtotroso ang dalawang bata dahil sila ay pabigat lamang.

“Wala na tayong makain! Mabuti pang ipadala mo na sa ibang tao ang dalawang batang iyan,” ang palagi nitong sinasabi kapag ito ay nagagalit.

Isang araw, binuksan ng tiyahin ang kanilang taguan ng pagkain at nakita nitong halos wala nang natitirang tinapay. “Mamamatay tayong lahat sa gutom! Napakaraming bibig na kailangang pakainin. Kung wala kang kamag-anak na tatanggap kina Hansel at Gretel, dalhin mo sila sa gitna ng kagubatan at iwan mo sila doon!” ang galit na galit na sabi ng babae sa magtotroso. Dahil na rin sa magkahalong gutom at takot, napilitan na ang magtotrosong sumunod sa kahilingan ng asawa.

Tinawag niya ang kanyang dalawang anak at sinabing sila ay may pupuntahan sa gubat. Kinuha ni Hansel ang natitirang tinapay sa kanilang taguan ng pagkain. Habang naglalakad papunta sa gitna ng gubat, kumukurot si Hansel ng maliit na piraso ng tinapay at ihinuhulog ito sa lupa. Nais niyang mag-iwan ng marka upang mahanap nila ang kanilang daan pauwi sa kanilang bahay.

Matapos ang ilang oras na paglalakad, naabot na ng tatlo ang gitna ng gubat. Hinayaan ng ama na maglaro ang dalawang bata. Habang abala ang mga ito, dahan-dahang tumakas ang kanilang tatay at iniwanan sila. Makalipas ang ilang minuto ay napansin na ng dalawa na wala na ang kanilang ama. Tinangka nilang hanapin ang daan pauwi ngunit wala na ang mga piraso ng tinapay na hinulog ni Hansel. Kinain na ito ng mga ibon sa gubat.

Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa sa pag-iisip na mahahanap din nila ang daan pauwi. Matapos ang ilang oras ay may natanaw silang kakaibang bahay. Ang bahay ay nababalot ng tsokolate at kendi. Ang dingding ay gawa sa matamis na “icing” at ang bintana ay gawa sa biskwit. Ang dalawang bata ay hindi nag-atubiling lumapit sa bahay. Kinain nila ang mga tsokolate at biskwit na nakadikit sa “icing”. Maya-maya ay biglang bumukas ang pinto ng bahay. Lumabas ang isang matandang babae. Akala ng dalawa ay pagagalitan sila ng may-ari ng bahay kaya’t nagtangka silang magtago.

“Huwag kayong matakot. Marami pang masasarap na pagkain sa loob. Pumasok kayo at bibigyan ko pa kayo ng lahat ng kaya ninyong kainin,” ang anyaya ng matandang babae. Dala na rin ng kanilang gutom, mabilis na pumasok ang dalawang bata sa kakaibang bahay. Pagkapasok na pagkapasok ay itinulak ng matandang babae si Hansel papasok sa isang malaking hawla na gawa sa bakal. Ikinandado nito ang pinto at mabilis na itinago ang susi.

“Ikaw ang maglinis ng aking bahay!” ang sigaw nito kay Gretel. “Kapag nagtangka kang tumakas ay papatayin ko ang iyong kapatid,” ang pagbabanta pa nito. “Magluto ka ng masarap na hapunan. Kailangan nating patabain ang iyong kapatid. Buto’t balat na lang ito,” ang dagdag pang utos ng matanda.

Wala nang nagawa si Gretel kundi sumunod na lamang sa iniuutos ng matanda. Nalaman nilang kapag tumaba na si Hansel ay iluluto ito ng matandang mangkukulam. Mabuti na lamang ay malabong-malabo na ang mata ng mangkukulam. Sa tuwing mag-uutos ito na ilabas ni Hansel ang kanyang kamay upang kapain niya kung ito ay mataba na, nilalabas lamang ni Hansel ang isang pirasong buto na nakita niya sa loob ng hawla. Kapag nahawakan na ng matandang mangkukulam ang buto, sumisigaw agad ito ng, “Buto’t balat! Gretel, handaan mo pa ng pagkain ang kapatid mo.”

Hindi nagtagal ay nainip na ang mangkukulam. Nagpasiya ito na iluto na si Hansel kahit pa payat pa rin ito. Pinagsindi niya ng apoy sa loob ng pugon si Gretel.

“Handa na ba ang pugon?” ang tanong nito sa kawawang bata.

“Hindi ko po alam,” ang nanginginig na sagot naman ni Gretel.

“Paanong hindi mo alam? Dumungaw ka sa loob ng pugon at pakiramdaman mo kung mainit na ang loob nito!”ang galit na utos ng mangkukulam.

“Hindi pa po mainit,” ang sagot naman ni Gretel. Labis na nainip ang mangkukulam. “Ano bang problema ng pugon na iyan?” ang tanong nito habang pinipilit na silipin ang loob ng higantang pugon. Habang ito ay nakayukod, malakas na itinulak ni Gretel ang mangkukulam papasok ng pugon at mabilis na isinara ang pinto.

Agad na pinakawalan ni Gretel ang kanyang kapatid mula sa hawla. Dahil wala na ang mangkukulam, naisipan ng dalawa na doon na tumira sa kakaibang bahay. Ayaw na nilang bumalik pa sa kanilang ama na nagtaboy sa kanila.   

📚 Looking for the Updated Version?

The newest version of this resource is now available on Aral Tayo PH.

The updated reading pack includes:

  • Illustrated story pages
  • Reading comprehension worksheets
  • Sequencing activity
  • Story map
  • Iguhit at Isulat activity
  • Cut-and-color retelling activity

Prefer the original Teacher Abi module?


Sunday, August 18, 2019

Pagbibigay ng Hinuha

Inferring is an important comprehension skill that readers must develop. It lets you have a deeper understanding of the text that you are reading.

Example:


Matagal nang pangarap ni Arlene na magkaroon ng alagang aso. Ipinangako niya sa kanyang mga magulang na siya ang magpapakain, magpapaligo, at mag-aalaga dito kung siya ay papayagan nilang magkaroon ng alaga. Isang araw, kumatok ang kapitbahay nina Arlene. Ibinalita nitong nanganak na ang kanilang alagang aso. Mayroon silang anim na bagong panganak na tuta. Ang problema ay maliit lamang ang kanilang bahay kaya't baka hindi nila kayang magpalaki ng anim na aso.

Sa iyong palagay, ano ang sasabihin ni Arlene sa kaniyang kapitbahay? 

Sa sitwasyong ibinigay sa taas, maaaring sabihin na hihingin ni Arlene ang isa sa mga tuta ng kanilang kapitbahay. Ang pruweba nito ay ang nabanggit na pangarap ng batang babaeng magkaroon ng alagang aso.

Papayag kaya ang kapitbahay na bigyan si Arlene ng tuta?

Base sa teksto, malamang ay papayag ang kapitbahay nina Arlene na magbigay ng tuta dahil nasabing hindi kasya ang anim na aso sa kanilang bahay. 




Here are a few exercises made to help you improve your inferring skills:

Pagbibigay ng Hinuha 1 - In this exercise, the student will be asked to read a situation and try to give inferences based on the clues provided in the text.

Pagbibigay ng Hinuha 2 - Another text, same exercise.

Tuesday, August 6, 2019

Ang Mabuting Samaritano Modyul

Have you ever encountered a person who needed assistance? Did you offer your help or did you pretend not to notice? Here is a story of a person who needed help and got assistance from an unexpected source. Find out what happened in the story then answer the comprehension questions on the module.


        May isang Hudyo na naglalakbay mula Jerusalem patungong Jerico. Isang gabi, habang siya ay nagpapahinga, siya ay tinambangan ng isang grupo ng mga tulisan. Kinuha ng mga masasamang-loob ang lahat ng kanyang dala, pati na rin ang kanyang damit na suot. Pagkatapos pagnakawan ay binugbog pa ng mga tulisan ang Hudyo at iniwan sa gilid ng daan na halos wala nang buhay.
         Ilang minuto pagkatapos maiwan ang kawawang nilalang, may isang paring Hudyo na dumaan. Nakita nito ang taong nakahandusay sa lupa. Nagmamadaling lumihis ang pari na parang walang nakita. Mabilis siyang naglakad papalayo.
Hindi nagtagal ay isang Levita naman ang dumaan. Napansin din niya ang dumadaing na Hudyo. Tulad ng pari, mabilis ring lumihis nang daan ang Levita at nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.
Matapos ang matagal na panahon, may napadaang isang Samaritano. Nakita niya ang kawawang Hudyo na noon ay halos hindi na umiimik sa kanyang pagkakahandusay. Dali-daling lumapit ang Samaritano at tinulungan ang lalaking makaupo. Binuhusan nito ng langis at alak ang mga sugat ng biktima. Nang malinis na ang mga sugat nito, marahang binendahan ng Samaritano ang mga sugat. Isinakay nito ang Hudyo sa kanyang asno at inihatid sa isang malapit na bahay-panuluyan. Duon ay hiningi ng Samaritano sa may-ari na pakainin at painumin ang kawawang biktima.




Kinabukasan, bago umalis ang Samaritano upang magpatuloy sa kanyang paglalakbay, binigyan niya ang may-ari ng bahay ng dalawang pirasong pilak at sinabing alagaan nito ang kawawang lalaki. Dinagdag pa nito na kung lalabis ang magagastos ng may-ari sa pag-aalaga sa lalaki ay kanya itong babayaran sa kanyang pagbabalik. Namalagi sa bahay-panuluyan ang kawawang Hudyo hanggang sa gumaling nang lahat ng kanyang sugat.

***********************************************************************************************************************


This module contains vocabulary exercises, comprehension tests, and several short writing practices.  Download the module here.

Wednesday, July 24, 2019

Ang Tampuhan Modyul

Have you ever had a misunderstanding with your mom? Did you ever try to run away from home? Here is a story of a boy who chose to run away because he and his mom had a fight. Find out what happened in the story then answer the comprehension questions on the module.




        Alas-diyes na ng gabi. Madilim at wala nang ibang taong makikita sa kalsada maliban sa isang batang naglalakad.
        Tumutulo ang luha mula sa mga mata ni Ruben. Magkahalong lungkot, galit, at pagod ang nararamdaman ng bata habang mabagal na naglalakad sa gilid ng kalsada. Hindi niya mapigilang mapaiyak habang naaalala niya ang away nila ng kanyang nanay ilang oras pa lang ang nakakalilipas.
        Nakita kasi ni Aling Maita ang lukot na papel sa bag ni Ruben. Ito ay kanyang pagsusulit na may bagsak na marka.
        “Bakit mababa ang nakuha mong marka, Ruben?” ang tanong ng kanyang nanay.
        “Eh paano po, masyadong mabilis magsalita si Ma’am. Hindi ko tuloy nasagot yung ibang tanong,” ang paangil na sagot ng bata.
        “Ganun ba? Sana ay ipinaulit mo sa guro ang tanong. Sigurado namang papayag iyon,” ang sabi ni Aling Maita.
        “Wala na akong magagawa. Bagsak na eh!” ang naiinis namang sagot ni Ruben.
        “Kaya nga anak. Sa susunod, kapag ganoon ang nangyari, ipaulit mon a lang sa guro ang tanong para hindi ka bumagsak,” ang payo ng nanay na nagsisimula nang mainis sa paraan ng pagsagot ng anak.
        “Oo na! Huwag niyo na akong kulitin. Bagsak na nga eh,” ang pasigaw na sagot ni Ruben.
        Dahil sa pagsigaw ni Ruben, tuluyan nang nagalit si Aling Maita. Pinagsabihan niya ang anak na matuto siyang sumagot nang tama lalo na sa kanyang magulang. Hindi naman umimik si Ruben. Sa sobrang tampo, naisipan ni Ruben na maglayas.
        At ganoon na nga ang ginawa ng batang lalaki. Dalawang oras siyang naglakad papalayo sa kanilang bahay. Umalis siya habang naghahanda ng hapunan ang kanyang nanay kaya hindi na siya nakakain. Nagsisimula nang kumalam ang sikmura nito nang bigla siyang may maamoy sa napakabango.
        Dinala siya ng kanyang pang-amoy sa isang maliit na lugawan. Habang pinagmamasdan ang mga taong masayang kumakain ng lugaw, tokwa, at lumpia, sinalat ni Ruben ang kanyang bulsa. Malas! Naiwan niya ang kanyang pitaka. Dahil wala naman siyang pambili ay malungot na lumayo ang bata mula sa lugawan.
        “Iho! Nagugutom ka ba?” ang tawag ng matandang lalaking may-ari ng lugawan.
        “Oho. Pero wala po akong pambayad,” ang sagot naman ni Ruben na patuloy pa ring lumalakad palayo.
        “Hindi na bale. Marami naman akong lutong lugaw ngayon. Halika at sabayan mo akong kumain,” ang yaya ng matanda.
        Dahil sa gutom, pumayag na rin si Ruben na paunlakan ang mama. Hinandaan siya nito ng malaking mangkok ng lugaw at ilang piraso ng lumpia. Habang hinihigop ng bata ang mainit na lugaw, naalala nito ay masasarap na meryendang inihahanda sa kanya ng kanyang nanay. Naisip nito na hindi na siya muling makakakain ng mga meryendong yun. Napaiyak na naman si Ruben at napansin ito ng matanda.
        “May problema ka ba, iho?” Ang nag-aalalang tanong nito sa batang umiiyak.
        “Nag-away po kasi kami ng nanay ko. Hindi po kasi niya maintindihan kung bakit ako bumagsak sa aking pagsusulit. Palagi na lang niya akong pinagsasabihan. Nakakainis!” ang paliwananag ni Ruben.
        Hindi na umimik ang matanda. Hinayaan na lamang nitong kumain ang bata. Pagkatapos ay inalok pa niya ito ng malamig na inumin. Maya-maya pa ay tumayo na ang bata.
        “Maraming salamat po, lolo. Napakalaking utang na loob po ang pagpapakain niyo sa akin. Babayaran ko po kayo pag ako ay may pera na,” ang pagpapaalam ng bata.
        “Iho, ginawa ko lamang ito dahil nag-aalala ako sa iyo. Isipin mo, kung ako na hindi mo kakilala ay nag-aalala sa iyo, paano pa kaya ang iyong nanay?” ang sabi ng matanda.
        Umalis na si Ruben. Habang iniisip kung saan siya matutulog sa gabing iyon, sumagi sa isipan niya ang sibambit ng matandang may-ari ng lugawan.
        “Nag-aalala nga kaya si Nanay? Oo. Palagi pa naman nun iniisip kung kumain na ako at kung nilalamig ba ako. Siguradong iniisip ako nun,” ang nasabi nito sa sarili.
        “Palagi na lamang akong inaalala ni Nanay. Kung tutuusin, ang pagpuna niya sa akin ay dahil na rin sa pag-aalala niyang hindi ako makakuha ng magandang grado,” ang dagdag pa nito.
        Nagpasiya si Ruben na umuwi na at humingi ng paumanhin sa kanyang ina. Hindi naman kasalanan ng kanyang nanay na mag-alala tungkol sa kanyang anak, kaya naisip niyang tapusin na ang kanilang tampuhan.


This module is writing intensive. Your student/child will need to write his or her own sentences using the given vocabulary words. Download the module here.

Monday, July 1, 2019

Pangngalang Tahas at Basal

Mayroong dalawang uri ng Pangngalan ayon sa konsepto: pangngalang tahas (kongkreto) at pangngalang basal (di-kongkreto).

Ang pangngalang tahas ay mas madaling kilalanin. Ito at tumutukoy sa mga ngalan ng mga tao, bagay, at lugar na iyong maaaring makita, marinig, maamoy, malasahan, o mahawakan.

Hal.          bata          ibon          paaralan         

Ang pangngalang basal naman ay tumutukoy sa ngalan ng mga bagay na naiisip, nadarama ng damdamin, natututuhan, napapangarap, o nauunawaan.

Hal.          kapayapaan          tag-init          galit          komunikasyon


Narito ang mga sanayang papel para sa uri ng pangngalan ayon sa konsepto:

Pangngalang Basal o Tahas


Pangngalang Basal o Tahas

Friday, June 28, 2019

Filipino Quiz # 17


Ang pangngalang basal o di-kongkreto ay ang mga ngalang tumutukoy sa mga kaisipan o konsepto na hindi nararanasan ng limang pandamdam at walang pisikal na katangian. Nasa anyong payak ang lahat ng pangngalan basal.

Halimbawa: 

     wika          yaman          buhay          asal



Wednesday, June 26, 2019

Ang Matalinong Pasya Modyul

King Solomon was said to be one of the wisest kings of Israel. He was favored by God because of his humility. People from far off places came to him to seek his advice. Here is a short story based on that.




        Nang si Solomon ay maging hari ng Israel, hiniling niya sa Diyos na siya ay tulungang maging isang mabuting hari. Dahil dito ay nalugod sa kanya ang Diyos at siya ay pinagpala nito. Biniyayaan siya ng Diyos ng katalinuhan.

        Dahil sa kanyang angking katalinuhan, si Solomon ay dinadayo ng mga tao mula pa sa malalayong lugar upang pagtanungan ng solusyon sa kanilang mga problema. Sila naman ay binibigyan ni Solomon ng matatalinong kasagutan.

        Isang araw, may dalawang inang nagpunta sa palasyo ni Haring Solomon. Ang isa ay galit na galit at nagsisisigaw samantalang ang isa’y walang tigil sa pag-iyak.

        “Mahal na hari, kagabi’y sabay kaming nagsilang ng sanggol. Ang kanyang anak ay pumanaw habang siya ay mahimbing na natutulog. Ngayon, inaangkin niya ang aking sanggol,” ang sabi ng galit na babae.
       
Ibinaling ng hari ang kanyang tingin sa babaeng umiiyak. “Ikaw, magsalita ka.”
       
        “Ito po ay aking anak, nagsasabi po ako ng katotohanan. Dama kong buhay ang aking anak,” ang sabi ng umiiyak na babae.

        Matagal na tiningnan ng hari ang dalawang ina. Hindi naglaon ay ipinatawag ng hari ang isa sa kanyang mga kawal.

        “Hatiin mo sa dalawang pantay na parte ang sanggol na ito nang sa gayon ay kapwa magkaroon ng bahagi nito ang bawat inang umaangkin sa kanya,” ang utos ng matalinong hari.

        Walang tinag sa pagkakatayo ang galit na ina samantalang ang isa’y lalong lumakas ang pag-iyak. Tumakbo itong palapit sa hari, lumuhod, at nagmakaawa.

        “Ibigay niyo na lang po sa kanya ang sanggol. Huwag niyo po siyang patayin!”ang palahaw ng tumatangis na ina.
        Marahan siyang itinayo ng hari. “Ako ay nakapagpasya na. Ang sanggol ay nararapat na ibigay sa iyo dahil walang inang maghahangad ng kamatayan para sa kanyang anak,” ang wika ng hari habang iniaabot ang sanggol sa babaeng umiiyak.

        Lalong hinangaan ng kanyang mga nasasakupan ang hari sa kanyang naging matalinong pasya.





The module contains the usual vocabulary-building exercises, comprehension questions, and writing drills. Download it here.

Tuesday, June 25, 2019

Filipino Quiz #16


Alam mo ba kung ano ang mga salitang may kambal katinig? Tandaan, kailangang magkasama ang dalawang katinig sa iisang pantig.




Monday, June 17, 2019

Filipino - Bayaning Pilipino Modyul

Doctor Jose Rizal is hailed as the country's national hero. He was instrumental in our fight for independence back when the Philippines was a colony of Spain. This text provides information about Rizal and why he was beloved by many.



        “Mga bata, ngayong araw na ito ay babasahin natin ang talambuhay ni Jose Rizal. Mayroon ba kayong tanong o nais ibahagi bago tayo magsimulang magbasa?” ang tanong ni Binibining Diaz.
        “Miss, totoo po bang may monumento si Dr. Jose Rizal sa China?” ang tanong ni Czarina.
        “Bakit naman sila magtatayo ng monumento ni Rizal sa China eh Pilipino naman si Rizal?” ang malakas na bulong ni Gilda na kanyang katabi.
        “Oo, mayroon nga siyang monumento sa China. Ito ay katulad na katulad ng monumento niya na nasa Rizal Park. Naniniwala kasi ang mga Intsik na ang mga ninuno ng ating pambansang bayani ay nag-ugat sa kanilang bansa,” ang paliwanag ni Bb. Diaz.
        “May dugong Intsik si Dr Jose Rizal?” ang hindi makapaniwalang bulalas ni Gilda. Nagsimula na ring magbulungan ang mga mag-aaral sa klase. Hindi sila makapaniwala na ang itinuturing na pinakadakilang taong isinilang sa lahing Malayo ay may dugong Intsik.
        “Ang lahing kayumanggi ay isinilang na kalakip ang iba’t-ibang dugong dayuhan. Kung maaalala niyo sa ating leksiyon noong nakaraan, sabi ni Dr. Otley Beyer, may 10% ang dugong Intsik na nananalaytay sa ugat ng ating mga ninuno. Subalit sa puso at isipan, si Dr. Jose Rizal ay Pilipinong tunay,” ang pahayag ng guro.
        “Wagas ang pagmamahal niya sa mga kababayan at lalo na sa Inang Bayan,” ang dagdag pa nito.
        “Interesado na po akong malaman kung ano ang nangyari sa buhay ni Jose Rizal,” ani Czarina. Sabay sabay na binuksan ng mga mag-aaral ang kanilang libro at binasa ang talambuhay ng pambansang bayani ng Pilipinas.

          Si Dr. Jose Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna noong ika-19 ng Hunyo, 1861. Siya ang ikapitong anak nina Francisco Rizal Mercado at Teodora Alonso.
          Sa gulang na taltong taon, natutuhan ni Jose ang abakada mula sa kanyang ina. Sa ikasiyam na taong gulang, siya ay ipinadala sa Biñan upang doo’y mag-aral sa ilalim ng pamamahala ni G. Justiniano Aquino Cruz. Noong 1872, si Jose ay ipinasok sa Ateneo Municipal de Manila kung saan siya ay nagpamalas ng kahanga-hangang talas ng isip. Nang matapos sa hayskul, sa Pamantasan ng Santo Tomas siya nagpatuloy ng pag-aaral ng medisina. Gusto niyang maging doctor upang gamutin ang nanlalabong mga mata ng kanyang ina.
          Nang lumaon, hiniling ni Jose sa kanyang pamilya na pahintulutan siyang makapagpatuloy ng pag-aaral sa España. Doon niya natapos ang kursong medisina.
          Nagsanay pa ng panggagamot ang katatapos na si Dr. Jose Rizal sa Pransya, Alemanya, at Austria bago siya nagbalik sa Pilipinas. Ang naging una niyang pasyente ay ang kanyang minamahal na ina. Bukod sa kanyang ina, maraming maysakit na kababayan niya sa Calamba ang kanyang napagaling.
          Naging isang tanyag na manggagamot si Dr. Jose Rizal. Ginamot niya nang walang bayad ang mahihirap na mga tao. Dahil sa kanyang pagmamalasakit sa may sakit, siya ay napamahal sa mga tao lalo na sa mahihirap.
          Isa si Dr. Jose Rizal sa mga Pilipinong gumawa ng pagkilos sa mapayapang paraan kung saan ang pakay niya ay ang pagbabago sa pamamalakad ng mga Kastila. Labis niyang ikinalungkot ang pagmamalabis at pang-aapi ng mga dayuhan sa mga kabababayan. Subalit dahil sa kanyang mga isinulat, nagalit sa kanya ang mga Kastila. Pinagbintangan siyang namumuno sa mga paghihimagsik. Siya’y nilitis at nahatulan ng parusang kamatayan.
          Habang nasa piitan, isinulat ni Jose Rizal ang Mi Ultimo Adios na isang tulang nagsasaad ng tapat na pagmamahal sa bayan at sa mga kababayan. Hanggang sa mga huling araw ng kanyang buhay, ang Pilipinas ay mga kapwa Pilipino ang laman ng kanyang puso at isipan.
          Noong ika-30 ng Disyembre, 1896, binaril si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan.


        “Ang lungkot naman po pala ng nangyari kay Rizal,” ang wika ni Gilda.
        “Malungkot ngunit ang kanyang pagkamatay naman ay nagsilbing mitsa upang maghimagsik ang mga Pilipino laban sa  mapang-aping mga Kastila noon,” ang sagot naman ni Bb. Diaz.
          “Talaga pong isang modelong Pilipino si Dr. Jose Rizal. Matapang na, Makabayan pa,” ang dagdag naman ni Czarina.
 
***

You can download the module here. It contains vocabulary-building exercises, comprehension questions, filling up necessary information, and writing drills.

Wednesday, June 12, 2019

Filipino - Salitang Maylapi

          Ang mga salitang hindi na maaaring hatiin o paikliin pa ay tinatawag na salitang-ugat. Ilan sa mga halimbawa nito ay:

isip          tawa          sulat

          Ang mga salitang naihihiwalay ang salitang-ugat sa iba pang titik o pantig ay tinatawag na salitang maylapi. Ang mga halimbawa nito ay:

isipin          natawa          sulatin


          Panlapi ang tawag sa mga naiiwang titik o pantig kapag inihiwalay ang salitang-ugat.


Ang mga panlapi ay maaaring:

* Unlapi - inilalagay sa unahan ng salitang-ugat
          Hal.          maliksi          pagtulog          umikot

* Gitlapi - inilalagay sa gitna ng salitang-ugat
          Hal.          tumunog          kinain          sumigaw

* Hulapi - inilalagay sa hulihan ng salitang-ugat
          Hal.          sakitin          basahin          turuan


Narito ang ilang sanayang papel para sa araling ito:




Sunday, June 9, 2019

Bakit Kulu-kulubot ang Ampalaya Modyul

This is the legend of why the bitter gourd's skin is wrinkled. This is a story of how one bad decision can have really bad consequences.

This module contains the story, vocabulary exercises, comprehension questions, and writing prompts.




        Noong unang panahon, ang mga gulay ay walang kulay. Pare-pareho ang kanilang itsura. Hanggang sa isang engkantada ang nakapansin nito. Naisipan niyang mas mainam siguro kung iba-iba ang kanilang anyo.
        “Gusto ba ninyong magkaroon ng kulay?” ang tanong ng mabait na engkantada.
        “Opo, gusto po namin,” ang sagot naman ng mga gulay.
        “Kung ganoon ay sumama kayo sa aking tirahan. Doon, ang bawat isa sa inyo ay mapagkakalooban ko ng kulay,” ang sabi ng engkantada.
        Sama-samang naglakbay ang mga gulay at ang engkantada. Habang naglalakad ay inobserbahan ng engkantada ang kaniyang mga kasama upang mapili ang pinaka-angkop na kulay para sa kanila. Nang makarating sila sa isang mala-harding tahanan, nagwika ang engkantada, “Ito na ang inyong bagong tirahan. Lahat kayo ay bibigyan ko na ng kulay.”
        Sabik na sabik ang mga gulay habang sila ay nagmamasid sa hardin na kanila nang tirahan. Lumapit ang engkantada kay kamatis. “Halika, Kamatis. Ang kulay na ibibigay ko sa  iyo ay pula. Iyan ang bagay sa iyo dahil ikaw ay masayahin at punong-puno ng bitamina,” ang pahayag ng engkantada. Matapos ang ilang kumpas ng kanyang baston, unti-unting nagbago ang kulay ni Kamatis.
        “Naku! Kay ganda ng kulay kong pula,” ang tuwang-tuwang sambit ni Kamatis habang minamasdan ang kanyang bagong kulay.
        “Oh, ikaw naman, Karot. Dahil marami kang bitamina na panlaban sa mga sakit, ang kulay na kahel ang ibibigay ko sa iyo,” ang paliwanag naman ng engkantada.
        “Aba! Ang ganda ko na!” ang hindi makapaniwalang wika ni Karot. Umikot-ikot ito upang ipakita ang kanyang kulay sa kanyang mga kaibigan.
        “Ikaw naman, talong. Napansin kong tumitingin ka kanina sa mga bulaklak na kulay ube. Mula ngayon, iyan na ang kulay mo,” sambit ng engkantada habang ikinukumpas ang kanyang makinang na baston.
        “Yehey! Ang ganda ng kulay ko. Makinis pa ang kutis ko,” ang masayang usal nito habang sumasayaw-sayaw.
        Isa-isang biniyayaan ng mabait na engkantada ang mga gulay ng kulay.
        “Eh, ako po, mahal na engkandata? Ano pong kulay ang ibibigay ninyo sa akin?” ang tanong ni Ampalaya na hindi na makapag hintay.
        “Ah, ikaw? Sa tingin ko, berde ang kulay na babagay sa iyo,” ang sagot ng engkantada.
        Hindi kumibo ang ampalaya. Ang totoo ay ayaw niya ang kulay na berde ngunit dahil sa takot na magalit ang engkantada ay tinanggap na rin niya ang iniaalok nitong kulay.
        “Kaygaganda ng mga kulay na napunta sa iba. Bakit pangit na kulay ang napunta sa akin?” ang bulong nito sa sarili.
        “Hayan! Lahat kayo ay may kulay na. Napakagaganda ninyong tingnan. Sige, magpahinga na muna kayo dahil malapit na dumilim. Maaari kayong magpunta sa alinmang bahagi ng hardin na inyong maibigan.
        Habang naghahanap ng lugar na mapagpapahingahan ang mga gulay, may nabuo namang plano sa isipan ni Ampalaya. “Habang natutulog ang mga gulay, nanakawin ko ang kanilang mga kulay. Ako na lang ang matitirang may kulay,” nakangising wika ni Ampalaya sa kanyang sarili. At ganun nga ang kaniyang ginawa.
        Kinabukasan, nagulat ang mga gulay nang makita nila na nagbalik ang kanilang dating anyo. “Anong nangyari sa magandang kulay ko?” ang nalilitong tanong ni Kamatis.
        “Huhuhu! Bakit nagkaganito ulit ang balat ko?” ang umiiyak naman na wika ni Talong.
        “Lumapit kayong lahat,” ang tawag ng engkantada nang marinig niya kung anong nangyari.
        Napansin ng lahat na wala si Ampalaya. Hinanap nila ito at nakita nilang nagtatago ito sa ilalim ng sampayan. Napansin ng engkantada na nakabalot ito ng kumot. Nang inalis ang kumot, natuklasan nila na nasa katawan ni Ampalaya ang lahat ng kulay ng mga gulay.
        “Aha! Ikaw pala ang nagnakaw ng kanilang kulay,” galit na sigaw ng engkantada, “Bakit? Hindi ba mayroon ka namang sariling kulay?”
        “Kasi mas maganda ang kulay nila. Hindi ko nagustuhan ang kulay ko,” ang sagot naman ni Ampalaya.
        Mainggitin ka, Ampalaya. Babawiin ko ang mga kulay na ninakaw mo. Bilang parusa, magiging kulubot ang balat mo,” ang galit na wika ng engkantada.
        Naibalik naman kaagad ng engkantada ang mga ninakaw na kulay. Si Ampalaya naman ay nagsisi sa ginawa niyang pagnanakaw. Sa huli ay ibinigay pa rin sa kanya ng engkantada ang kulay na berde ngunit ang kaniyang balat ay sadyang naking kulubot. Ito ay araw-araw na nagpapaalala sa kanya sa kaniyang nagawang pagkakamali.

****

Download the module here to answer the vocabulary, comprehension questions., and other exercises.

Pagtukoy sa Katangian ng Tauhan - Here is a graphic organizer that you can use to practice characterization.