Skip to main content

Ang Hari at ang Bato sa Gitna ng Daan Modyul

Have you ever encountered an obstacle in your life? What did you do in order to get past it? Here is a story of a king who deliberately placed an obstacle on the road in order to see how people are going to deal with it. Who will remove the huge rock? Find out in this module.



Noong unang panahon, may isang hari na palaging nag-iisip ng paraan kung paano niya mapabubuti ang kanyang kaharian. Isang araw, naisipan niyang subukin ang mga tao sa kaniyang nasasakupan. Nais niyang alamin kung ano ang gagawin ng mga tao kung sakaling sila ay may makitang isang sagabal sa kanilang daraanan.

“Magpapalagay ako ng isang malaking bato sa gitna ng kalsada. Pagtapos ay magkukunwari akong isang tindero upang maobserbahan ko ang mga taong dadaan. Titingnan ko kung ano ang kanilang gagawin,” ang sabi ng hari sa kanyang sarili.

Noong gabing iyon ay nagpalagay na nga ang hari ng isang malaking tipak ng bato sa gitna ng daan. Kinabukasan, dala ang kanyang paninda at suot ang isang malaking sumbrero, tumigil ang hari sa tabi ng kalsada at nagkunwaring tindero.

Maya-maya ay may dumaang isang karwahe. Nakasakay dito ang isa sa pinakamayamang tao sa kaharian. Naglalakad sa tabi ng karwahe ang sampung utusan ng lalake. “May batong nakaharang sa daan. Iiwas mo ang karwahe,” ang utos nito sa kutsero.

“Hindi man lang naisip ng taong iyon na alisin ang sagabal samantalang napakarami niyang utusan na maaring gumawa ng trabaho,” ang malungkot na naisip ng hari.

Ilan pang karwahe ng mayayamang tao ang dumaan. Naobserbahan ng hari na ang lahat ay umiwas sa batong nakaharang sa daan. Lahat sila ay nagmamadali.

Hindi nagtagal ay nakita ng hari na paparating ang mga karwahe ng mga pinuno ng kaharian. “Ah, ang mga ito ay mga namumuno sa aking kaharian. Siguradong sila ay mayroong malasakit sa iba at tatanggalin ang nakaharang sa kalsada,” ang naisip ng hari.

“Bakit may bato sa daraanan? Anong klaseng hari ba ang mayroon tayo at hindi man lamang niya mapanatiling maayos ang mga kalsada sa lugar na kanyang nasasakupan?” ang reklamo ng unang pinunong dumaan.

Nagulat ang hari dahil ang inaakala niyang mga taong may gagawin upang maalis ang balakid sa daan ay walang ginawa. Bagkus, ang mga pinunong dumaan ay nagreklamo pa.

“Ito ba ang mga pinunong pinagkakatiwalaan ko upang tumulong sa aking mamuno?” ang dismayadong naisip ng hari.

Pagdating ng tanghali, nagsimula nang mawalan ng pag-asa ang hari dahil wala pa ring nag-aalis ng bato sa kalsada kahit na napakarami nang dumaan.

Maya-maya ay may isang karitong dumating. Sakay nito ang isang magsasaka na papunta sa pamilihan. “Naku, may malaking bato sa daraanan. Siguradong maraming maabala nito,” ang mahinang sambit ng magsasaka. Kaagad itong bumaba mula sa kanyang kariton at dali-daling itinulak ang mabigat na bato. Dahil sa sobrang bigat, ang bato ay hindi maiusog ng magsasaka.

“Amang, maaari mo ba akong tulungang ilagay ang bato sa gilid ng kalsada? Marami kasing maaabala nito kapag ito ay hinayaan lamang,” ang sabi nito sa tindero na nakaupo sa gilid ng kalsada. Lumapit ang hari na nagkukwaring tindero at pinagtulungan nila ng magsasaka na buhatin ang bato.

Nang maitabi na nila ang malaking bato, inalis ng hari ang kanyang takip sa ulo. Laking gulat ng magsasaka nang makilala niya ang hari.

“Dahil sa iyong malasakit para sa iba, bibigyan kita ng pabuya,” ang wika ng hari. Maliban pa sa isang malaking supot ng ginto, isinama rin ng hari ang magsasaka sa kanyang palasyo upang mahingan niya ito ng payo ukol sa pamumuno.

Ipinatawag ng hari ang mga pinuno ng kaniyang kaharian. Ikinuwento niya ang kanyang naobserbahan sa gilid ng kalsada. Isa-isa niyang inalis sa puwesto ang mga pinuno na walang ginawa upang maalis ang balakid sa daan at nagreklamo lamang tungkol dito.



Find vocabulary exercises, reading comprehension questions, and writing practices based on this story here.

Comments

  1. Magandang gabi po. Napakagandang kuwento nito. :) Kayo po ba ang sumulat nito? Salamat sa pagtugon.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hello po. Ito po ay base sa kuwentong Ang Batong Balakid.

      Delete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Simuno at Panaguri

Simuno at Panaguri – Bahagi ng Pangungusap Ang bawat pangungusap ay binubuo ng dalawang bahagi. Narito ang maiikling pagsusulit na maaaring gamitin upang madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa bahagi ng pangungusap: Simuno at Panaguri 1  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 2  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 3  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 4  - Download the PDF copy  HERE .

Pang-ukol

Basahin ang maikling pag-uusap ng magkapatid na sina Meryl at Albert. Bigyang pansin ang mga pariralang naka-salungguhit.            Ang Sabi ng PAGASA                      Sina Meryl at Albert ay nakadungaw sa kanilang bintana habang nakikinig sa balita sa radio. Meryl:    Ano raw ang sabi ng tagapagbalita? Albert:   Ayon daw sa PAGASA , Signal Number 2 na ang bagyo  dito sa  Metro Manila. Wala tayong pasok. Meryl:   Pero  ayon kay Nanay , meron daw tayong pasok. Inihahanda na nga  niya ang baon para sa atin . Albert:   Baka hindi niya narinig ang balita sa radyo. Meryl:    Halika, sabihin natin kay Nanay kung ano ang narinig natin sa  balita.           Ang mga pariralang nakasalungguhit ay mga pang-ukol. Ito ay mga pang-ugnay na nagpapakita ng kaugnayan ng pangngala...

Araling Panlipinan - Pagtukoy ng Direksiyon

Ang direksyon ay nagtuturo ng kinaroroonan ng isang bagay o lugar. Maraming salita ang maaaring gamitin sa pagtuturo ng direksyon. Kabilang na dito ang kanan, kaliwa, harapan, at likuran. Ang palaruan ay nasa harapan ng batang lalake.  Ang simbahan ay nasa kaliwa ng batang lalake.  Ang ospital ay nasa kanan ng batang lalake. Ang mga bahay ay nasa likuran ng batang lalake.  Pangunahing Direksiyon Bukod sa mga nasa itaas, mayroon pang ibang mga salitang ginagamit sa pagtuturo ng direksyon. Ito ay ang hilaga , silangan , timog , at kanluran . Ang apat na ito ay tinatawag na pangunahing direksiyon . Tingnan natin ang compass rosa na ito. Ang H ay tumutukoy sa  direksyong  paitaas o Hilaga. Ang S ay tumutukoy sa  direksyong  pakanan o Silangan. Ang T ay tumutukoy sa  direksyong  pababa o Timog. Ang K ay tumutukoy sa direksyong pakaliwa o Kanluran. (Itutuloy ko pa po ...