Skip to main content

Hansel at Gretel Modyul

What would you do if you find yourself trapped inside a weird house where the owner, a witch, is fattening you up so she could eat you? Find out how Hansel and Gretel deal with this problem in this module.


Noong unang panahon, may isang mahirap na magtotroso na nakatira sa isang maliit na kubo sa may kagubatan. Kasama niyang nakatira dito ang kanyang dalawang anak na sina Hansel at Gretel. Maagang nabiyudo ang magtotroso at siya ay nag-asawang muli. Ayaw ng tiyahin sa kanyang dalawang anak. Palagi nitong iminumungkahi na paalisin na ng magtotroso ang dalawang bata dahil sila ay pabigat lamang.

“Wala na tayong makain! Mabuti pang ipadala mo na sa ibang tao ang dalawang batang iyan,” ang palagi nitong sinasabi kapag ito ay nagagalit.

Isang araw, binuksan ng tiyahin ang kanilang taguan ng pagkain at nakita nitong halos wala nang natitirang tinapay. “Mamamatay tayong lahat sa gutom! Napakaraming bibig na kailangang pakainin. Kung wala kang kamag-anak na tatanggap kina Hansel at Gretel, dalhin mo sila sa gitna ng kagubatan at iwan mo sila doon!” ang galit na galit na sabi ng babae sa magtotroso. Dahil na rin sa magkahalong gutom at takot, napilitan na ang magtotrosong sumunod sa kahilingan ng asawa.

Tinawag niya ang kanyang dalawang anak at sinabing sila ay may pupuntahan sa gubat. Kinuha ni Hansel ang natitirang tinapay sa kanilang taguan ng pagkain. Habang naglalakad papunta sa gitna ng gubat, kumukurot si Hansel ng maliit na piraso ng tinapay at ihinuhulog ito sa lupa. Nais niyang mag-iwan ng marka upang mahanap nila ang kanilang daan pauwi sa kanilang bahay.

Matapos ang ilang oras na paglalakad, naabot na ng tatlo ang gitna ng gubat. Hinayaan ng ama na maglaro ang dalawang bata. Habang abala ang mga ito, dahan-dahang tumakas ang kanilang tatay at iniwanan sila. Makalipas ang ilang minuto ay napansin na ng dalawa na wala na ang kanilang ama. Tinangka nilang hanapin ang daan pauwi ngunit wala na ang mga piraso ng tinapay na hinulog ni Hansel. Kinain na ito ng mga ibon sa gubat.

Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa sa pag-iisip na mahahanap din nila ang daan pauwi. Matapos ang ilang oras ay may natanaw silang kakaibang bahay. Ang bahay ay nababalot ng tsokolate at kendi. Ang dingding ay gawa sa matamis na “icing” at ang bintana ay gawa sa biskwit. Ang dalawang bata ay hindi nag-atubiling lumapit sa bahay. Kinain nila ang mga tsokolate at biskwit na nakadikit sa “icing”. Maya-maya ay biglang bumukas ang pinto ng bahay. Lumabas ang isang matandang babae. Akala ng dalawa ay pagagalitan sila ng may-ari ng bahay kaya’t nagtangka silang magtago.

“Huwag kayong matakot. Marami pang masasarap na pagkain sa loob. Pumasok kayo at bibigyan ko pa kayo ng lahat ng kaya ninyong kainin,” ang anyaya ng matandang babae. Dala na rin ng kanilang gutom, mabilis na pumasok ang dalawang bata sa kakaibang bahay. Pagkapasok na pagkapasok ay itinulak ng matandang babae si Hansel papasok sa isang malaking hawla na gawa sa bakal. Ikinandado nito ang pinto at mabilis na itinago ang susi.

“Ikaw ang maglinis ng aking bahay!” ang sigaw nito kay Gretel. “Kapag nagtangka kang tumakas ay papatayin ko ang iyong kapatid,” ang pagbabanta pa nito. “Magluto ka ng masarap na hapunan. Kailangan nating patabain ang iyong kapatid. Buto’t balat na lang ito,” ang dagdag pang utos ng matanda.

Wala nang nagawa si Gretel kundi sumunod na lamang sa iniuutos ng matanda. Nalaman nilang kapag tumaba na si Hansel ay iluluto ito ng matandang mangkukulam. Mabuti na lamang ay malabong-malabo na ang mata ng mangkukulam. Sa tuwing mag-uutos ito na ilabas ni Hansel ang kanyang kamay upang kapain niya kung ito ay mataba na, nilalabas lamang ni Hansel ang isang pirasong buto na nakita niya sa loob ng hawla. Kapag nahawakan na ng matandang mangkukulam ang buto, sumisigaw agad ito ng, “Buto’t balat! Gretel, handaan mo pa ng pagkain ang kapatid mo.”

Hindi nagtagal ay nainip na ang mangkukulam. Nagpasiya ito na iluto na si Hansel kahit pa payat pa rin ito. Pinagsindi niya ng apoy sa loob ng pugon si Gretel.

“Handa na ba ang pugon?” ang tanong nito sa kawawang bata.

“Hindi ko po alam,” ang nanginginig na sagot naman ni Gretel.

“Paanong hindi mo alam? Dumungaw ka sa loob ng pugon at pakiramdaman mo kung mainit na ang loob nito!”ang galit na utos ng mangkukulam.

“Hindi pa po mainit,” ang sagot naman ni Gretel. Labis na nainip ang mangkukulam. “Ano bang problema ng pugon na iyan?” ang tanong nito habang pinipilit na silipin ang loob ng higantang pugon. Habang ito ay nakayukod, malakas na itinulak ni Gretel ang mangkukulam papasok ng pugon at mabilis na isinara ang pinto.

Agad na pinakawalan ni Gretel ang kanyang kapatid mula sa hawla. Dahil wala na ang mangkukulam, naisipan ng dalawa na doon na tumira sa kakaibang bahay. Ayaw na nilang bumalik pa sa kanilang ama na nagtaboy sa kanila.  


This module contains vocabulary exercises, comprehension tests, and several short writing practices, and a drawing portion. Download the module here.

You can also download a Story Map template here




Comments

Popular posts from this blog

Pang-ukol

Basahin ang maikling pag-uusap ng magkapatid na sina Meryl at Albert. Bigyang pansin ang mga pariralang naka-salungguhit.            Ang Sabi ng PAGASA                      Sina Meryl at Albert ay nakadungaw sa kanilang bintana habang nakikinig sa balita sa radio. Meryl:    Ano raw ang sabi ng tagapagbalita? Albert:   Ayon daw sa PAGASA , Signal Number 2 na ang bagyo  dito sa  Metro Manila. Wala tayong pasok. Meryl:   Pero  ayon kay Nanay , meron daw tayong pasok. Inihahanda na nga  niya ang baon para sa atin . Albert:   Baka hindi niya narinig ang balita sa radyo. Meryl:    Halika, sabihin natin kay Nanay kung ano ang narinig natin sa  balita.           Ang mga pariralang nakasalungguhit ay mga pang-ukol. Ito ay mga pang-ugnay na nagpapakita ng kaugnayan ng pangngala...

Simuno at Panaguri

Simuno at Panaguri – Bahagi ng Pangungusap Ang bawat pangungusap ay binubuo ng dalawang bahagi. Narito ang maiikling pagsusulit na maaaring gamitin upang madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa bahagi ng pangungusap: Simuno at Panaguri 1  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 2  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 3  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 4  - Download the PDF copy  HERE .

Araling Panlipinan - Pagtukoy ng Direksiyon

Ang direksyon ay nagtuturo ng kinaroroonan ng isang bagay o lugar. Maraming salita ang maaaring gamitin sa pagtuturo ng direksyon. Kabilang na dito ang kanan, kaliwa, harapan, at likuran. Ang palaruan ay nasa harapan ng batang lalake.  Ang simbahan ay nasa kaliwa ng batang lalake.  Ang ospital ay nasa kanan ng batang lalake. Ang mga bahay ay nasa likuran ng batang lalake.  Pangunahing Direksiyon Bukod sa mga nasa itaas, mayroon pang ibang mga salitang ginagamit sa pagtuturo ng direksyon. Ito ay ang hilaga , silangan , timog , at kanluran . Ang apat na ito ay tinatawag na pangunahing direksiyon . Tingnan natin ang compass rosa na ito. Ang H ay tumutukoy sa  direksyong  paitaas o Hilaga. Ang S ay tumutukoy sa  direksyong  pakanan o Silangan. Ang T ay tumutukoy sa  direksyong  pababa o Timog. Ang K ay tumutukoy sa direksyong pakaliwa o Kanluran. (Itutuloy ko pa po ...