Skip to main content

Bakit Kulu-kulubot ang Ampalaya Modyul

This is the legend of why the bitter gourd's skin is wrinkled. This is a story of how one bad decision can have really bad consequences.

This module contains the story, vocabulary exercises, comprehension questions, and writing prompts.




        Noong unang panahon, ang mga gulay ay walang kulay. Pare-pareho ang kanilang itsura. Hanggang sa isang engkantada ang nakapansin nito. Naisipan niyang mas mainam siguro kung iba-iba ang kanilang anyo.
        “Gusto ba ninyong magkaroon ng kulay?” ang tanong ng mabait na engkantada.
        “Opo, gusto po namin,” ang sagot naman ng mga gulay.
        “Kung ganoon ay sumama kayo sa aking tirahan. Doon, ang bawat isa sa inyo ay mapagkakalooban ko ng kulay,” ang sabi ng engkantada.
        Sama-samang naglakbay ang mga gulay at ang engkantada. Habang naglalakad ay inobserbahan ng engkantada ang kaniyang mga kasama upang mapili ang pinaka-angkop na kulay para sa kanila. Nang makarating sila sa isang mala-harding tahanan, nagwika ang engkantada, “Ito na ang inyong bagong tirahan. Lahat kayo ay bibigyan ko na ng kulay.”
        Sabik na sabik ang mga gulay habang sila ay nagmamasid sa hardin na kanila nang tirahan. Lumapit ang engkantada kay kamatis. “Halika, Kamatis. Ang kulay na ibibigay ko sa  iyo ay pula. Iyan ang bagay sa iyo dahil ikaw ay masayahin at punong-puno ng bitamina,” ang pahayag ng engkantada. Matapos ang ilang kumpas ng kanyang baston, unti-unting nagbago ang kulay ni Kamatis.
        “Naku! Kay ganda ng kulay kong pula,” ang tuwang-tuwang sambit ni Kamatis habang minamasdan ang kanyang bagong kulay.
        “Oh, ikaw naman, Karot. Dahil marami kang bitamina na panlaban sa mga sakit, ang kulay na kahel ang ibibigay ko sa iyo,” ang paliwanag naman ng engkantada.
        “Aba! Ang ganda ko na!” ang hindi makapaniwalang wika ni Karot. Umikot-ikot ito upang ipakita ang kanyang kulay sa kanyang mga kaibigan.
        “Ikaw naman, talong. Napansin kong tumitingin ka kanina sa mga bulaklak na kulay ube. Mula ngayon, iyan na ang kulay mo,” sambit ng engkantada habang ikinukumpas ang kanyang makinang na baston.
        “Yehey! Ang ganda ng kulay ko. Makinis pa ang kutis ko,” ang masayang usal nito habang sumasayaw-sayaw.
        Isa-isang biniyayaan ng mabait na engkantada ang mga gulay ng kulay.
        “Eh, ako po, mahal na engkandata? Ano pong kulay ang ibibigay ninyo sa akin?” ang tanong ni Ampalaya na hindi na makapag hintay.
        “Ah, ikaw? Sa tingin ko, berde ang kulay na babagay sa iyo,” ang sagot ng engkantada.
        Hindi kumibo ang ampalaya. Ang totoo ay ayaw niya ang kulay na berde ngunit dahil sa takot na magalit ang engkantada ay tinanggap na rin niya ang iniaalok nitong kulay.
        “Kaygaganda ng mga kulay na napunta sa iba. Bakit pangit na kulay ang napunta sa akin?” ang bulong nito sa sarili.
        “Hayan! Lahat kayo ay may kulay na. Napakagaganda ninyong tingnan. Sige, magpahinga na muna kayo dahil malapit na dumilim. Maaari kayong magpunta sa alinmang bahagi ng hardin na inyong maibigan.
        Habang naghahanap ng lugar na mapagpapahingahan ang mga gulay, may nabuo namang plano sa isipan ni Ampalaya. “Habang natutulog ang mga gulay, nanakawin ko ang kanilang mga kulay. Ako na lang ang matitirang may kulay,” nakangising wika ni Ampalaya sa kanyang sarili. At ganun nga ang kaniyang ginawa.
        Kinabukasan, nagulat ang mga gulay nang makita nila na nagbalik ang kanilang dating anyo. “Anong nangyari sa magandang kulay ko?” ang nalilitong tanong ni Kamatis.
        “Huhuhu! Bakit nagkaganito ulit ang balat ko?” ang umiiyak naman na wika ni Talong.
        “Lumapit kayong lahat,” ang tawag ng engkantada nang marinig niya kung anong nangyari.
        Napansin ng lahat na wala si Ampalaya. Hinanap nila ito at nakita nilang nagtatago ito sa ilalim ng sampayan. Napansin ng engkantada na nakabalot ito ng kumot. Nang inalis ang kumot, natuklasan nila na nasa katawan ni Ampalaya ang lahat ng kulay ng mga gulay.
        “Aha! Ikaw pala ang nagnakaw ng kanilang kulay,” galit na sigaw ng engkantada, “Bakit? Hindi ba mayroon ka namang sariling kulay?”
        “Kasi mas maganda ang kulay nila. Hindi ko nagustuhan ang kulay ko,” ang sagot naman ni Ampalaya.
        Mainggitin ka, Ampalaya. Babawiin ko ang mga kulay na ninakaw mo. Bilang parusa, magiging kulubot ang balat mo,” ang galit na wika ng engkantada.
        Naibalik naman kaagad ng engkantada ang mga ninakaw na kulay. Si Ampalaya naman ay nagsisi sa ginawa niyang pagnanakaw. Sa huli ay ibinigay pa rin sa kanya ng engkantada ang kulay na berde ngunit ang kaniyang balat ay sadyang naking kulubot. Ito ay araw-araw na nagpapaalala sa kanya sa kaniyang nagawang pagkakamali.

****

Download the module here to answer the vocabulary, comprehension questions., and other exercises.

Pagtukoy sa Katangian ng Tauhan - Here is a graphic organizer that you can use to practice characterization.

Comments

  1. Hindi ito totoo. ang Diyos ang gumawa ng mga gulay alam ng Diyos na kailangan maganda ang mga kanyang nilikha

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Pang-ukol

Basahin ang maikling pag-uusap ng magkapatid na sina Meryl at Albert. Bigyang pansin ang mga pariralang naka-salungguhit.            Ang Sabi ng PAGASA                      Sina Meryl at Albert ay nakadungaw sa kanilang bintana habang nakikinig sa balita sa radio. Meryl:    Ano raw ang sabi ng tagapagbalita? Albert:   Ayon daw sa PAGASA , Signal Number 2 na ang bagyo  dito sa  Metro Manila. Wala tayong pasok. Meryl:   Pero  ayon kay Nanay , meron daw tayong pasok. Inihahanda na nga  niya ang baon para sa atin . Albert:   Baka hindi niya narinig ang balita sa radyo. Meryl:    Halika, sabihin natin kay Nanay kung ano ang narinig natin sa  balita.           Ang mga pariralang nakasalungguhit ay mga pang-ukol. Ito ay mga pang-ugnay na nagpapakita ng kaugnayan ng pangngala...

Simuno at Panaguri

Simuno at Panaguri – Bahagi ng Pangungusap Ang bawat pangungusap ay binubuo ng dalawang bahagi. Narito ang maiikling pagsusulit na maaaring gamitin upang madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa bahagi ng pangungusap: Simuno at Panaguri 1  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 2  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 3  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 4  - Download the PDF copy  HERE .

Araling Panlipinan - Pagtukoy ng Direksiyon

Ang direksyon ay nagtuturo ng kinaroroonan ng isang bagay o lugar. Maraming salita ang maaaring gamitin sa pagtuturo ng direksyon. Kabilang na dito ang kanan, kaliwa, harapan, at likuran. Ang palaruan ay nasa harapan ng batang lalake.  Ang simbahan ay nasa kaliwa ng batang lalake.  Ang ospital ay nasa kanan ng batang lalake. Ang mga bahay ay nasa likuran ng batang lalake.  Pangunahing Direksiyon Bukod sa mga nasa itaas, mayroon pang ibang mga salitang ginagamit sa pagtuturo ng direksyon. Ito ay ang hilaga , silangan , timog , at kanluran . Ang apat na ito ay tinatawag na pangunahing direksiyon . Tingnan natin ang compass rosa na ito. Ang H ay tumutukoy sa  direksyong  paitaas o Hilaga. Ang S ay tumutukoy sa  direksyong  pakanan o Silangan. Ang T ay tumutukoy sa  direksyong  pababa o Timog. Ang K ay tumutukoy sa direksyong pakaliwa o Kanluran. (Itutuloy ko pa po ...