Skip to main content

Si Kulas Kalimot Modyul

Are you always coming in late for school (or work) because you keep forgetting things. I am. I would walk out the door, get to the car, and realize that I forgot my wallet/phone/both. My son is the same. So, I decided to make a story about it. It's not "true to life" but close enough.


     Tinanghali na naman nang pasok sa kanilang klase si Kulas. Habang dahan-dahang pumapasok sa klasrum ang bata ay tinanong ito ng kanilang guro. “Nicholas, bakit nahuli ka? Hindi ka tuloy nakasali sa ating flag ceremony.”

     “Pasensiya na po, ma’am. Maaga naman po akong umalis sa amin kaya lang ay bumalik po ako sa bahay dahil nakalimutan ko pong dalhin ang aking proyekto sa Science,” ang nahihiyang sagot ng bata.

     Napabuntong-hininga na lamang ang guro. Karaniwang pangyayari na ang pagpasok ni Kulas nang huli sa klase. Noong isang linggo ay nahuli siya dahil nakalimutan niya ang kaniyang baunan. Dalawang linggo naman bago iyon ay bag naman niya ang kaniyang naiwanan. Minsan ay tinatawag na siyang “Kulas Kalimot” ng kanyang mga kaibigan dahil tila hindi lumilipas ang isang linggo na wala itong nakalilimutan.

     Isang araw, ginrupo-grupo ng kanilang guro sa Filipino ang kanilang klase. Sila ay magkakaroon ng pangkatang pagtatanghal. Lahat sila ay mayroong parte. Dahil magaling umarte, si Kulas ang naatasang maging bida kahit na malaki ang alinlangan ng kanyang mga kagrupo. “Kulas, huwag kang mahuhuli sa araw ng pagtatanghal ha!” ang paalala ng kanyang mga kagrupo. “Kulas, pumasok ka nang maaga,” ang dagdag pa ng kanilang lider. “Oo, maaga akong papasok,” ang sagot naman ni Kulas.


      Sa araw ng pagtatanghal, maagang bumangon si Kulas. Inilagay na niya ang bag ng kanyang “costume” sa may pintuan para hindi niya ito malimutan. Mabilis siyang kumain ng agahan at naghanda para sa pagpasok. Pagkatapos magsepilyo ay tumakbo na si Kulas palabas ng bahay. Kaagad siyang pumara ng traysikel at sumakay papunta sa kanilang paaralan.

     Pagbaba niya ng traysikel ay napansin niyang kulang ang kaniyang dala. “Nasaan ang bag ng aking damit?” ang natatarantang tanong ng bata. Mabuti na lamang at hindi pa nakalalayo ang traysikel kaya mabilis siyang nakasakay at nakabalik sa kanilang bahay. Pagpasok niya ay nakita niya agad ang kaniyang bag na nasa may pintuan. Dali-dali niyang kinuha ang bag at tumakbo papabalik sa traysikel. “Kuya, bilisan mo po ha, mahuhuli na kasi ako sa klase” ang pagmamakaawa ng bata sa drayber. Pinaharurot ng drayber ang kanyang motor at mabilis naman silang nakarating sa paaralan.

     Pagpasok sa klasrum ay nakita niyang nagsimula na ang pagtatanghal. “Kulas! Huli ka na naman. Bakit hindi ka pa nakabihis?” ang pabulong at naiinis na tanong ng kanilang lider. Hindi na nagpaliwanag si Kulas. Tumakbo siya papunta sa likod ng kurtina at mabilis na nagbihis. Sa kabutihang palad ay umabot si Kulas sa kaniyang parte sa pagtatanghal.

     Pagkatapos ng kanilang klase, nagtipon ang kanilang grupo at pinagsabihan si Kulas ng kanilang lider. “Kulas, nakasalalay sa’yo ang ating grado. Mabuti at umabot ka! Sa susunod ay hindi ka na talaga namin isasali,” galit na wika nito.

      Noong hapon ay kinausap ni Kulas ang kaniyang nanay. “Buti na lang po at umabot ako, kung hindi, siguradong magagalit silang lahat sa akin,” ang sabi ng bata sa kanyang nanay matapos nitong ikuwento ang nangyari.

      “Ay, Nicholas. Kahit ako naman ay magagalit sa iyo kung ako ang iyong kagrupo. Siguro ay kailangan mo nang maghanap ng solusyon sa pagiging makakalimutin mo,” ang sagot naman ng nanay niya. “Bakit hindi ka gumawa ng listahan ng mga bagay na kailangan mong dalhin. I-check mo ang listahan bago ka umalis,” ang payo nito. “Idikit natin sa pinto ang listahan at siguraduhin mong kumpleto lahat ng dala mo bago ka lumabas,” ang dagdag pa nito.

      “Sigo po. Susubukan ko pong gumawa ng listahan. Mag-iisip pa ako ng ibang solusyon para hindi na ako maging makakalimutin,” ang sagot naman ng bata.

      Kinabukasan ay sabay na lumabas ng bahay sina Kulas at ang kaniyang nanay. Bago makalayo ng bahay ay inalala ni Kulas ano ang kaniyang mga dapat na dala. Wala siyang nakalimutan.

      “Mauna ka na sa kanto, anak” ang sabi ng kaniyang nanay. “Bakit po?” ang nalilitong tanong naman ni Kulas. “Nakalimutan ko kasi ang aking pitaka,” ang nahihiyang sagot ng kaniyang nanay habang nagmamadali itong naglalakad pauwi. Napailing na lang si Kulas. Hindi lang pala siya ang makakalimutin sa kanilang pamilya.












You can download the module here. It contains vocabulary exercises, reading comprehension questions, and a writing activity.

Comments

Popular posts from this blog

Simuno at Panaguri

Simuno at Panaguri – Bahagi ng Pangungusap Ang bawat pangungusap ay binubuo ng dalawang bahagi. Narito ang maiikling pagsusulit na maaaring gamitin upang madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa bahagi ng pangungusap: Simuno at Panaguri 1  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 2  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 3  - Download the PDF copy HERE . Simuno at Panaguri 4  - Download the PDF copy  HERE .

Pang-ukol

Basahin ang maikling pag-uusap ng magkapatid na sina Meryl at Albert. Bigyang pansin ang mga pariralang naka-salungguhit.            Ang Sabi ng PAGASA                      Sina Meryl at Albert ay nakadungaw sa kanilang bintana habang nakikinig sa balita sa radio. Meryl:    Ano raw ang sabi ng tagapagbalita? Albert:   Ayon daw sa PAGASA , Signal Number 2 na ang bagyo  dito sa  Metro Manila. Wala tayong pasok. Meryl:   Pero  ayon kay Nanay , meron daw tayong pasok. Inihahanda na nga  niya ang baon para sa atin . Albert:   Baka hindi niya narinig ang balita sa radyo. Meryl:    Halika, sabihin natin kay Nanay kung ano ang narinig natin sa  balita.           Ang mga pariralang nakasalungguhit ay mga pang-ukol. Ito ay mga pang-ugnay na nagpapakita ng kaugnayan ng pangngalan o panghalip, sa pangungusap o sa pinag-uukulan ng isang gawain. Narito ang halimbawa ng mgapang-ukol na karaniwan nating ginagamit: Narito ang ilang madaling pagsusulit upang hasai

Araling Panlipinan - Pagtukoy ng Direksiyon

Ang direksyon ay nagtuturo ng kinaroroonan ng isang bagay o lugar. Maraming salita ang maaaring gamitin sa pagtuturo ng direksyon. Kabilang na dito ang kanan, kaliwa, harapan, at likuran. Ang palaruan ay nasa harapan ng batang lalake.  Ang simbahan ay nasa kaliwa ng batang lalake.  Ang ospital ay nasa kanan ng batang lalake. Ang mga bahay ay nasa likuran ng batang lalake.  Pangunahing Direksiyon Bukod sa mga nasa itaas, mayroon pang ibang mga salitang ginagamit sa pagtuturo ng direksyon. Ito ay ang hilaga , silangan , timog , at kanluran . Ang apat na ito ay tinatawag na pangunahing direksiyon . Tingnan natin ang compass rosa na ito. Ang H ay tumutukoy sa  direksyong  paitaas o Hilaga. Ang S ay tumutukoy sa  direksyong  pakanan o Silangan. Ang T ay tumutukoy sa  direksyong  pababa o Timog. Ang K ay tumutukoy sa direksyong pakaliwa o Kanluran. (Itutuloy ko pa po ito. Dagdag na lesson ay tungkol sa Pangunah