Have you ever smelled the fragrant scent of Ilang-Ilang? Doesn't it evoke a feeling of love and loss? Here is a short story about the legend of how the tree and its fragrant flowers came to be.
Si Ilang ang pinakamagandang dalaga noon
sa bayan ng Tayabas. Bukod sa kariktan,
sadyang hinahangaan si Ilang ng lahat dahil sa kanyang kabaitan at
kababaang-loob. Maraming binata ang umakyat ng ligaw sa kanya. Lahat sila ay
nais na mapangasawa ang mabait at magandang dalaga. Lahat sila ay handang
bigyan ng marangyang buhay si Ilang.
Ang dalaga naman ay nahulog ang loob sa isang mahirap na magsasakang
nagngangalang Edo.
Nang malaman ng kanyang mga magulang
kung sino ang napupusuan ni Ilang,
labis na nagalit ang kanyang ama at ina. Pinagbawalan nila ang dalagang
makipagkita kay Edo. Inutusan rin si Ilang ng kanyang ama na pumili lamang ng mapapangasawa
mula sa mga manliligaw nitong mayayaman.
Ilang linggong nalungkot ang dalaga.
Nag-isip siya ng paraan upang makitang muli ang kanyang katipan. Isinulat niya ang kanyang naisip na paraan sa isang maliit
na papel. Ipinaabot niya ang papel sa kanyang matalik na kaibigan. Ayon sa plano ng dalaga, sila daw ay magkikita
ni Edo sa tuwing iigib ng tubig ang dalaga mula sa isang bukal na matataggpuan
sa gilid ng gubat. Mula noon ay pasikretong nagtatagpo ang magkasintahan sa may
bukal sa tuwing inuutusan ang dalagang mag-igib ng tubig. Ipinangako nilang
silang dalawa ay magmamahalan kahit na ano pa ang mangyari.
Sa bahay, nananatiling tahimik si Ilang
sa tuwing pag-uusapan nila ang kanyang mayayamang manliligaw. Pinipilit pa rin
siya ng kanyang ama na pumili na ng isa sa kanila. Dahil sa pananahimik ng
dalaga, naghinala ang kanyang ama na
ito ay umiibig pa rin sa magsasakang si Edo. Isang araw, nang si Ilang ay
umalis upang mag-igib ng tubig, sinundan siya ng kanyang ama papunta sa bukal.
Nakita ng matandang lalaki si Edo na nag-hihintay sa tabi ng bukal. Sa sobrang
galit ng ama sa panlilinlang na
ginawa ng kaniyang anak ay kinaladkad
nito pauwi ang kawawang si Ilang.
Hindi na muling nakapag-kita ang
magkasintahan. Pinagbawalan na si Ilang ng kanyang mga magulang na lumabas ng
kanilang bahay. Lungkot na lungkot ang dalaga. Simula noon ay hindi na kumain
si Ilang. Mas gusto na niyang mamatay kaysa mapilitan siyang magpakasal sa
isang manliligaw na hindi naman niya minamahal.
Isang araw ay nagkasakit si Ilang. Pagal na pagal na ang kaniyang katawan
at alam niyang siya ay mamamatay na. Bago siya pumanaw, nagmakaawa siya sa
kanyang mga magulang na siya ay ilibing malapit sa bukal kung saan niya
kinakatagpo si Edo. Matapos ang ilang araw ay namatay na nga si Ilang. Pinaunlakan naman ng kanyang mga
magulang ang kanyang huling kahilingan. Inilibang si Ilang sa tabi ng bukal.
Palaging dinadalaw ni Edo ang puntod ni
Ilang. Pinili nitong hindi na mag-asawa. Araw-araw ay nagpupunta siya sa puntod
ng kanyang yumaong kasintahan at inaalis niya ang mga damong tumutubo doon.
Isang araw ay may napansin siyang kakaibang halaman na umuusbong mula sa lupa. Naniwala
siyang ispirito ni Ilang ang bumuhay sa halaman na iyon. Mula noon ay hindi na
umuwi si Edo sa kanyang tirahan. Ibinuhos niya ang kanyang oras sa pag-aalaga
sa halaman hanggang sa ito ay maging isang mataas na puno.
Isang araw, nagising ang mga taong may
naaamoy na kung anong mahalimuyak. Hinanap ng mga tao ang pinagmumulan ng
mabangong amoy. Natuklasan nila na ito ay nanggagaling sa tila mga dahong
bulaklak mula sa puno sa puntod ni Ilang. Natagpuan din nila si Edo na
nag-aagaw buhay na habang nakayakap sa puno. Bumubulong ito ng, “Ilang...
Ilang... Ilang.” Matapos ang ilang minuto ay pumanaw na si Edo. Ang puno ay
pinangalanan ng mga taong, “Ilang-Ilang” dahil ito ang naging mga huling salita
ni Edo.
Download the module here. to answer the vocabulary and comprehension questions.
Comments
Post a Comment