Here is a new reading comprehension worksheet for Filipino. It is a story of a girl who lost her book. She couldn't find it because her room was a mess.
It also comes with comprehension questions and a 6-item sequencing events exercise.
Answer the exercises by downloading the module here:
Filipino 3 - Nasaan ang Libro ko?
It also comes with comprehension questions and a 6-item sequencing events exercise.
Nasaan ang Libro ko?
Hunyo na. Patapos na ang halos tatlong buwang bakasyon ng mga mag-aaral. Si Jessa ay abalang-abala sa paghahanda ng kanyang mga gamit dahil pasukan nang muli sa darating na Lunes. Nilinis na niya ang kanyang sapatos na itim. Pinlantsa na rin niya ang kaniyang uniporme. Ngayon ay inilalagay na niya ang mga kagamitang pang-eskuwela sa loob ng kanyang bagong bag. Habang inaayos ang mga libro, napansin niyang kulang ito ng isa.
“Hala! Nasaan na ang aking libro sa Filipino? Kahapon lang ay kasama pa iyon ng iba ko pang aklat dito sa mesa,” ang nagtatakang naisip ng bata. Pumunta siya sa sala kung saan naglilinis ang kanyang nanay. “Inay! Kinuha niyo po ba ang libro ko doon sa aking mesa? Nawawala po kasi ang isa,” ang tanong ni Jessa.
“Hindi, anak. Bakit ko naman kukunin ang libro mo? Tiningnan mo na ba sa istante? Baka napahalo lang sa mga lumang aklat mo,” ang mungkahi ng kanyang nanay.
Bumalik si Jessa sa kanyang kuwarto. Pumunta siya sa istante at tiningnan ang mga libro dito. “Halu-halo naman ang mga libro ko. Ang mga lumang aklat-aralin, magasin, at mga nobela ay sama-sama. Napakahirap tuloy humanap ng libro,” ang tahimik na wika ng bata sa sarili. Isa-isa niyang tinanggal ang mga libro sa istante at tiningnan ang pabalat. Wala roon ang kanyang hinahanap na aklat. “Ang mabuti pa ay ayusin ko na ng pagbalik ang mga aklat na ito para mas mabilis nang maghanap ang mga kailangan kong libro,” ang naisip ng bata. Ibinalik niya ang mga libro ayon sa uri at paksa.
Nang matapos si Jessa sa pagbabalik ng mga aklat, ibinaling naman niya ang kanyang tingin sa malaking lamesa sa kanyang kuwarto. Puno ng patong-patong na mga gamit ang mesa. “Baka nandito sa tambak ng mga gamit ang aking libro sa Filipino,” ang sabi nito sa kanyang sarili. Sinubukan niyang angatin ang isang malaking piraso ng karton upang silipin ang ilalim nito. Biglang nangalaglag ang mga lapis, pambura, papel, at kung anu-ano pa. “Mahihirapan talaga akong hanapin ang mga gamit ko kung ganito kagulo ang mga ito. Mabuti pa ay ayusin ko na ang mga gamit habang may oras pa ako,” ang pasya ng bata. Tinipon niya ang mga lapis, pambura, bolpen, at iba pang panulat at pangkulay. Inilagay niya ito sa isang maliit na kahon. Inayos rin niya ang mga papel at kuwaderno. Dinampot niya ang mga balat ng pagkain na hindi niya itinapon at inilagay ang mga ito sa basurahan. Kumuha siya ng basang basahan at pinunasan ang malaking mesa. Sa wakas ay nalinis na niya ang mesa ngunit hindi pa rin niya nakita ang hinahanap na libro.
“Saan ba napunta iyon? Napunta kaya ito sa ilalim ng kama?” ang tahimik na tanong ng bata sa kanyang sarili. Mabilis na lumuhod si Jessa at sinilip ang ilalim ng kama. Wala doon ang libro ngunit napansin niyang maalikabok ang sahig dito. Lumabas si Jessa ng kuwarto at kumuha ng walis at dustpan. Mabilis niyang winalis ang alikabok sa ilalim ng kama at sa sahig ng kanyang kuwarto. Pagkatapos itapon sa basurahan ang kanyang pinagwalisan, tiningnan ni Jessa ang kanyang kuwarto. “Maayos nang lahat at malinis na ang mesa at sahig. Masaya akong naayos ko na ang aking kuwarto at mas madali ko nang mahahanap ang mga gamit ko ngunit hindi ko pa rin nakikita ang aking libro,” ang sambit ng bata.
Dahil sa pagod sa paglilinis, nagpasiya si Jessang mahiga na muna sa kanyang kama. Paglapat ng kanyang ulo sa unan ay may naramdaman siyang matigas. “Ay! Nasa ilalim lang pala ng unan ang libro ko sa Filipino!” ang tuwang-tuwang sabi ng bata. Mula noon ay nagpasiya na siyang panatilihing malinis ay maayos ang kanyang kuwarto upang hindi na siya muling mahirapan pang hanapin ang mga gamit niya.
Answer the exercises by downloading the module here:
Filipino 3 - Nasaan ang Libro ko?
Comments
Post a Comment